Kailangan pa bang pag-isipan ang regalo sa Inaanak tuwing Pasko?
Siyempre naman, parang anak din dapat ang turing mo sa inaanak mo. Kung ano ang sa tingin mong babagay sa kanya, ‘yung ang ibigay mong regalo. Puwede rin tanungin kung ano ang hiling ng inaanak para sa Pasko. Kung hindi naman kamahalan, eh ‘di ibibigay ko. - Dennis, Batanes
Ang dami ko nang iniisip ngayong Christmas season. Hindi naman sa hindi ko na pinag-iisipan ang ireregalo ko sa mga inaanak ko. Pero ang sa akin, kung ano ang matipuhan kong ipanregalo ‘yun ang ibinibigay ko. Mahilig ako mamili ‘pag may mga sale. Kaya kung ano ang meron sa sale, ‘yung ang pinupuntirya ko. Mainam na ‘yung ganu’n para makatipid. - Arnold, Antipolo
Ako, para hindi na ako mahirapang mag-isip ng ireregalo ko sa aking sangkaterbang inaanak, pera na lang ang ibinibigay ko. Mas gusto pa nga ng bata ‘yun dahil mabibili nila ang gusto nilang bilhin. Hindi na rin ang mapeperwisyo sa kaiisip kung aakma pa ba sa edad at babagay sa inaanak ko ‘yung bibilhin ko. - Marco, Quezon
Pinag-iisipan ko pa rin naman ang ibinibigay kong regalo. Personal ko kasing inaalam ang hilig ng aking mga inaanak. ‘Pag nalaman ko na ay saka na ako namimili ng panregalo. Ang saya kayang makita ng inaanak mong masaya dahil natupad ang wish niya ng Christmas. Kahit ako nu’ng bata ako eh gustung-gusto ko ‘pag ibinibigay ng mga ninong at ninang ko ang hiling ko sa Pasko. - Bernardo, Surigao del Norte
Kahit ano na lang puwede na ‘yun. Basta nakabalot, gusto lang naman ng mga bata ang magbukas ng regalo eh. Ang hirap naman kasi kung iisa-isahin ko gusto ng mga inaanak ko. Eh halos umabot na yata sa bente ang inaanak ko. Hindi ko na kayang isingit pa ang paghahanap at pag-iisip ng ireregalo sa kanila. - Victor, Bicol
- Latest