HINDI makapaniwala sina Lorenz sa nasasaksihan.Si Reyna Miley na pagkaganda-ganda, nawalan ng braso at kamay, umusok at nasunog.
Nawalan din ng isang mata, basta na lang napisak.
Nag-iiiyak si Reyna Miley. Sinisisi ang kanyang panginoon ng kadiliman.
“Bakit ninyo ako pinababayaan? Tingnan ninyo, ang gandang inyong ibinigay, walang pingas ... nawawasak na?”
Masakit din namang pinagmasdan ni Lorenz ang kagandahan na Miley na Miley. Na nasisira.
“Ikaw, Lorenz ... tumigil ka na sa kadadasal diyan ... tulungan mo ako! Kailangang hindi maubos ang ganda ko! Tingnan mo, ako si Miley ... ako pa rin si Miley!”
Parang namamalikmata si Lorenz, parang maniniwala na.
Nang bigla siyang tinapik ng malakas ng isang kasamahan.
“Lorenz! Para ka lang hinihipnotismo ng masamang reyna na ‘yan. Alam mo namang nangopya lang ‘yan ng kagandahan ni Miley. Iyan ay puro bungo at puro uod na reyna, bigay lang ng demonyong panginoon niya ang kopyadong gandang ‘yan. Si Miley ay naroroon ngayon sa chamber ng reynang ‘yon at maaaring mananalo na laban sa kasamaan! Kaya huwag kang pauuto sa kampon ng kadiliman na ‘yan, ha?”
Ipinilig-pilig ni Lorenz ang kanyang ulo, natatauhan. Bumalik uli silang lahat sa pagdadasal. Hangaring makakatulong sa ginagawa ngayon ni Miley.
PATULOY sa pagdadasal si Miley.
Isang braso at kamay na naman ang nalaglag sa imahe ni satanas. Nasunog, napilas sa balikat.
Naulit ito kay Reyna Coreana. Buong braso at kamay, nalaglag sa balikat. Putol na ang dalawang kamay at braso ni Reyna Coreana.
“AAAAAHHHHHHH!”
“Hindi pa rin ba siya mamamatay?” Tanong ng isang babaing kasamahan ni Lorenz.
“Wala yatang kamatayan ang katawan ng isang masama. Hindi ba inuuod na nga buhay pa? Ang kailangang mamatay ay ang kanyang ubod ng itim na kaluluwa! Kasabay ng kanyang panginoon! Whatever Miley is doing now ... I know she is doing it right. Sana nga tuluy-tuloy lang at huwag siyang mapapahamak!”
Magpatuloy tayo sa pagdadasal. Maaaring nakakatulong din tayo kay Miley!” Itutuloy