Kailangan mo pa bang masaktan bago ka matuto? Kapag nakita mo na nga na bangin, tatalon ka pa ba?
Balita: “Isang bata, pumasok sa kweba, tulala ng lumabas...”
Hala! Anong meron sa loob at bigla siyang nagkaganon?
Si Tiffany ay sampung taong gulang na bata na super likot ang katawan at utak.
Mayroong kweba sa kanilang probinsya at palagi siyang pinagbabawalan ng kanyang ina na pumasok duon dahil ito raw ay mapanganib.
Sa kabila ng mga paalala, pumasok pa rin siya. Pasaway. Bakit? Kasi nga wala siyang kaalam-alam kung ano talaga ang nasa loob ng kweba. Hindi mapakali ang isip niya hangga’t di niya mismo makita at bakit ito delikado.
Totoo ba ang sinasabi ni Nanay? At kung totoo man, baka naman kayang kaya ko itong lusutan. Wow, challenge!
Ayun, mistula siyang naging piping tulala.
Kung anong bawal, siya ang ginagawa. Ganyan ang karamihan sa kabataan ngayon. Habang pinipigil lalong nanggigigil. At kahit marami ng malungkot na halimbawa sa paligid, tila ‘di ito binibigyang pansin dahil sa kapusukan at pagwawalang bahala.
Ang mga utos ng pagbabawal ay mabuti. Iniiwas tayo mula sa kapahamakan.
Hindi na dapat pang maranasan ang isang bagay upang ito ay matutunan. Maaari tayong matuto sa karanasan ng ibang mga tao.
Hayy! Buti na lamang at binigyan tayo ng mga magulang. Pasalamatan natin ang kanilang mga pangaral at paggabay sa ating buhay. Paulit-ulit man at minsan ay nakakarinde, subalit ito ay magbubunga ng kaayusan at pag-iwas sa kapahamakan.
Mag-isip ng sampung beses bago sumuway.