Paano mapipigilan ang screen addiction sa mga bata, kung pati ang mga nakatatanda ay hook na rin sa pagtutok ng pagharap sa cell phone, laptop, tablet, o kahit anong gadget.
Konting kibot at galaw ay selfie pa more, na naka-post agad sa Facebook, Instagram, at iba pang social media network. Kung dati ay bago kumain ay nagpapasalamat muna sa hapagkainan, ngayon ay selfie agad ng pagkain. Kahit saan lupalop ng mundo o pumunta ay updated din ang lahat sa kaganapan sa ating paligid.
Kahit nga sa simpleng pag-iisa, hindi kumpleto ang araw kung hindi ka naka-selfie o naka-link sa social media.
Hindi man online sa FB, Instagram, o twitter ay addict na rin ang marami na naglalaro ng online games sa cell phone.
Kung dati, nahihirapan ituro ang kahalagan ng pagbabasa ng libro, ngayon mas mahirap nang kumbunsihin ang bata na magbasa ng books, dahil addict na rin sila sa paglalaro sa cell phone o tablet.
Mahirap na rin ipagtulakan ang mga bata ngayon na maglaro sa labas ng bahay. Kaya marami nang obese dahil mas nakababad ang mga bagets na maglaro online o kahit sa CP, kaysa magtatakbo kasama ang ibang kaibigan dahil madalas sama-sama na silang naglalaro sa loob ng kumputeran.