Kapag sinabing European countries, ang unang pumapasok sa isip ng karamihan sa atin ay sopistikado, sosyal, at pormal na mga bansa. Pero sa Ireland na isa sa mga bansa sa Europa ay hindi nakaiilang dahil casual lang silang makipag-usap kahit sa mga business meeting. Hinding hindi ka mai-intimidate sa kanila dahil sila’y mga palakaibigan.
Ang gesture na karaniwan nilang ginagawa ay ang pakikipagkamay. Halos sa lahat ng pagkakataon ay nakikipagkamay sila. Sa unang pagkikita kahit sa mga taong hindi kakilala, handshake ang kanilang pinakapagbati. At ‘di tulad ng karamihan sa mga bansa sa South East Asia na pambabastos ang pakikipag-eye contact sa mas nakatatanda at mas nakatataas ng antas sa lipunan, ang pakikipag-eye contact sa kausap sa bansang Ireland ay nangangahulugan ng tiwala sa iyong kausap.
Sa mga business meeting naman, hindi masyadong pormal ang mga business people at mas palakaibagan sila kumpara sa mga ibang bansa sa Europe. Sa mga ganitong pagkakataon, siguruhing makikipagkamay bago ang meeting at pagkatapos nito. Kailangan din nakangiti ka at nakikipag-usap na parang mga kaibigan lang.
Sa sobrang pagka-casual nila sa mga meeting ay nagtatawagan sila kaagad sa pangalan. Hindi naman uso sa kanila ang mga business card kaya ‘wag kang magtatampo o mao-offend kung hindi ka man makatanggap nito.