Dear Vanezza,
Ako po ay lumaking may polio. Pero kahit tampulan ako ng tukso ng aking mga kaklase, tiniis ko ito upang makapagtapos kahit high school lang. Pero isang araw na kasama akong namamalengke ng Tita ko, may nakilala akong driver na nagdedeliver ng paninda. Kinausap niya ako at kinuha po niya ang address ko. Akala ko’y nagbibiro lang siya pero isang araw ay dinalaw niya ako sa bahay. Ipinakilala ko siya sa aking mga magulang. Sabi ng aking mga magulang ay mag-ingat daw ako at baka lokohin lang niya dahil nga sa kalagayan ko. Pero naging maginoo po siya at nagtiyaga sa panunuyo sa akin. Sinagot ko po siya at nagulat ang mga magulang ko nang sumunod na pagdalaw niya sa amin ay namanhikan na siya kasama ng kanyang mga magulang. Next year ay ikakasal na kami at para akong nananaginip. - Chona
Dear Chona,
Maraming taong may kapansanan na nasisiraan ng loob at nawawalan ng pag-asa sa buhay. Sana’y magsilbing moral booster ang kuwento mo sa ibang katulad mo ang kalagayan. Dapat nilang isipin na habang nabubuhay ang tao ay laging may pag-asa. Ipagpasalamat mo sa Dios na pinagkalooban ka Niya ng lalaking magmamahal sa’yo ng tapat.
Sumasaiyo,
Vanezza