Kesong inuuod delicacy sa Sardania, Italy
Keso ang isa sa mga paboritong palaman sa tinapay ng mga Pinoy. Mapa-cheese spread o hiniwang keso ay masarap sa mainit na pandesal sa agahan o merienda. May iba pa nga na pinapapak ang keso. Swak kasi sa dila ng mga Pinoy ang maalat-alat na lasa nito.
Pero alam n’yo ba na may kakaibang keso na siguradong pandidirihan ng marami at isang delicacy sa Sardinia, Italy? Ito ay tinatawag na Casu Marzu na ang literal na ibig sabihiy “bulok na keso”. Oo, bulok nga dahil pinamamahayan ito ng libu-libong uod!
Ang Cazu Marzu na tinatawag ding “walking cheese” ay gawa sa gatas ng tupa sa Italy na may surprise. At ang sopresang ito ay buhay na buhay at gumagalaw pa!
Ang kesong ito ay nagsisimula bilang Pecorino Sardo, tipikal na kesong ibinabad sa tubig na may asin, pinainitan, at saka “pinahinog” sa cheese cellars sa Gitnang Sardinia. Pero para makagawa ng Casu Marzu, iniiwan ang keso sa labas na walang kahit na anong takip at hinahayaang pag-itlugan ng cheese flies.
‘Pag napisa na ang mga itlog at naging transparent na maggots, ang keso ang kanilang kakainin. Naglalabas ang maggots na ito ng enzymes para ma-ferment ang keso na siyang nagpapabulok ng fats sa Casu Marzu.
Mataas ang demand ng Casu Marzu na isang local delicacy nga sa Sardinia. Malakas ang amoy nito at napakalambot ng cheese na naglalabas ng “lagrima” na maanghang ang lasa. Maaari lang kainin ang Cazu Marzu kapag buhay pa ang mga uod dito. Kapag patay na kasi ang maggots, nakalalason na ang bulok na keso. Yay! Nakakaloka ‘di ba?
Idineklarang ilegal ang pagbebenta at pagkonsumo ng Casu Marzu dahil hindi ito pumasa sa EU hygienic standards at banned din ito sa mga tindahan sa Italy. Pero may mangilan-ngilan pa ring shepherd ang gumagawa nito sa kabundukan at ibinebenta sa black market.
Ikaw, gusto mo bang tumikim ng bulok na keso at puno ng uod? Burp!
- Latest