Kung mahina ang tubig na lumalabas sa flush ng inyong inidoro, ‘wag sisihin ang water pressure. Halos siyamnapung porsyento na ang mga butas sa rim ang may problema. O kaya naman ay may calcium at sediment nang bumara sa mga ito. Kumuha lang ng gamit nang toothbrush at linisin ang mga ito at siguradong solb na ang problema n’yo.
Kung tumatagas naman na tubig ang problema sa inidoro lalo na kung may septic tank, mabilis napupuno ito at kailangan nang ipahigop na siyang may kamahalan.
Una, itsek muna ang ball float na nagku-control ng lebel ng tubig sa tangke ng inidoro. Kung masyadong mataas ang tubig, umaapaw ito sa may overflow pipe diretso sa drainage. I-adjust lang ang ball float sa pamamagitan ng paghigpit ng screw sa taas ng arm mechanism. Maaari rin i-bend pababa ang arm para matigil ang pag-apaw ng tubig.
Ang flapper din ang karaniwang sanhi ng leak ng tubig. Ito ‘yung pumipigil sa tubig sa paglabas sa tangke ng inidoro. Maaaring palitan lang ang goma na flapper para mas makatipid sa tumatagas na tubig.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!