HINDI malaman nina Miley kung ano ang uunahing itanong sa mga taong nasa gubat.
“Kailan n’yo balak bumalik sa kabihasnan?” Si Miley.
“Paano kayo namumuhay dito sa loob nang masukal na gubat? Bakit hindi nila kayo sinugod dito?” Si Doktor Larry.
“Alam ba nila na may mga taong nagtatago dito sa gubat?” Si Miley uli.
“Awww, awww!” Si Blizzard, hindi nagtatanong. Walang pakialam ngayon. Basta selos na selos lang.
Pumuwesto pa ang taong aso sa tapat ni Miley, para bang ginuguwardiyahan ang dalaga.
Tipong kapag lumapit pa si Lorenz kay Miley ay kakagatin na ni Blizzard.
“Mabuti pa, sumama na lang muna kayo sa aming kampo kahit sandali lang. At nang makapagkuwentuhan tayo nang maayos.”
Nagkatinginan sina Miley at Doktor Larry, nagkatanungan ang mga mata. Magtitiwala ba sila sa mga taong ito?
Pero hindi nila magawang bale-walain na may mga katulad pala nila sa isla ng mga undead.
Tumango si Doktor Larry kay Miley.
“Bakit naman hindi? Basta ihatid n’yo lang kami palabas ng gubat mamaya. Dahil hindi puwedeng hindi kami bumalik kina Reyna Coreana at baka magpapapasok siya dito ng mga kawal niya. Madadamay din kayo.”
“Tama si Doktor Larry. I agree with him.”
“Oo. Walang problema diyan. Halika na kayo.”
Iginiya nina Lorenz sina Miley. Hindi halata ang trail pero kung tutuusin meron naman talaga. Iyon nga lang, bawat hakbang nila pasulong, ibinabalik nila ang mga sangang itinatakip nila sa trail.
“Kaya pala hindi kayo natutunton ng mga undead. Tinatakpan ninyo ang daan patungo sa kampo ninyo.” Nag-comment si Miley kay Lorenz.
“Kailangan naming maging matalino. Para mabuhay pa nang matagal sa isinusumpang isla na ito.”
Pagkatapos ng isang oras na paglalakad, narating nila ang kampo.
“Wow! Naayos pala ninyo ang inyong tirahan. Malinis ang paligid at may mga bahay!!”
“Kapag nasa loob ka ng gubat, may mga materyales kang panggawa ng bahay. Hindi lang kahoy meron dito, meron ding mga nipa at baging na pantali para sa aming mga bubong. Okay naman dito pero pangarap pa rin naming makabalik sa kabihasnan.” Itutuloy