NAPATANGA sina Miley. Pati si Blizzard na taong aso, nabigla. Kumahol nang kumahol.
Mga totoong tao nga ang mga kaharap nila. Ang mga nasa likuran ay lumipat sa harapan.
Nag-alis na ng mga tanim sa ulo at katawan ang lahat. Nakanormal na damit ang mga ito. Pero halatang pinaobra lang ang kung anong puwedeng isuot pa sa katawan.
Si Miley ang unang nakapagsalita. “My God ... akala namin kami lang ang naligaw dito! Meron pala! Kayong lahat lang po ba? O meron pang iba?”
Isang tila pinakalider na lalaki, nasa mid-twenty, may itsura ang sumagot. “May limang matanda na naiwan sa aming kampo. Kami at sila lang ang mga taong naririto ngayon sa isla, bukod sa inyo.”
“Paano kayo napunta rito?” Mangha pa ring tanong ni Doktor Larry.
“Sa iba-ibang paraan. May napadpad dahil nalaglag sa dagat ang eroplano. Meron dahil lumubog ang barko. Meron dahil nag-adventure hanggang sa makarating sa hindi inaakalang isla ng impiyernong ito.” Sagot na naman ng young man na pinakalider.
“Ano ang pangalan mo? At ng mga kasama?” Naisipang itanong ni Miley.
“Ako si Lorenz. Sila naman ...” At isa-isang nagsabi ng pangalan ang mga kasama ni Lorenz. May mga babae, may mga lalake, may isang bading. Iba-iba ang edad.
Walang batang napansin si Miley.
“Talagang kayo lang?”
“Nagtatanong ka ba kung may bata? Huwag kang magtaka kung wala. Dati meron pero mahirap mabuhay ang bata sa ganitong kalagayan. Dating merong dalawa. Pero nagkasakit sila at namatay.”
Nalungkot si Miley pati sina Doktor Larry at Doktora Joanne.
Pero si Blizzard, ang taong aso, mukhang nagseselos. Kanina pa kasi kay Miley lang nakatitig si Lorenz.
Wala naman kasing hindi maa-attract kay Miley dahil sobrang ganda naman talaga ng young lady na ito. At mukha pang matalino at mabait.
“Aww! Aww!” Tinahulan na lang ni Blizzard si Lorenz, sinungitan.
Nginitian lang siya ni Lorenz. “Nagmamanman kami sa mga undead people. Alam naming may kapangyarihan ang kanilang reyna. Siguradong siya ang may kagagawan sa nangyari sa asong tao na ‘yan.”
“May plano ba kayong tumakas dito?” Tanong ni Miley. Itutuloy