Beef sinigang ng Tapsi ni Vivian, nakapapangiwi sa asim-sarap!
Wala nang tatalo pa sa mainit na sabaw sa malamig at maulan na panahon tulad ng nararanasan natin ngayon.
Isa sa maraming sinabawang ulam na hilig kainin ng mga Pinoy ang sinigang. Sinigang na baboy, sinigang na hipon, sinigang na baka, sinigang sa bayabas, sinigang sa miso, sinigang sa kamias, o kahit ano pang klase ng sinigang ay talaga namang nakakainit ng sikmura. Maasim, maanghang, malapot (dahil sa gabi), sino ba ang hindi matatakam sa sinabawang, comfort food na rin ng marami?
Aaminin ko, die hard fan ako ng sinigang! Lalo na ng sinigang na baka at hipon. Grabe, kay sarap ng maasim na sabaw lalo’t mainit ito. Kaya minsang napadpad ako sa Tapsi ni Vivian at Bulaluhan isang malamig at maulang gabi, eh sinubukan ko ang kanilang beef sinigang.
Kahit kilala sa masarap na tapsilog at bulalo ang Tapsi ni Vivian na may dalawang branches sa 32 Gil Fernandez Ave., Brgy. San Roque, Marikina City at 6 Lauan st., Brgy. Duyan-Duyan, Project 3, Q.C., may iba pa silang mga putahe na binabalik-balikan ng kanilang loyal customers.
Isa na nga sa nagpabihag ng aking tiyan, este puso, ay ang kanilang masarap na beef sinigang! Sa Marikina branch ako madalas kumain dahil mas malapit ito sa aming tirahan, pero masarap kumain sa may Q.C. branch na katapat ng NCBA (National College of Business and Arts) dahil may mga kubo (cabana) na puwede n’yong kainan. Gusto ko rin dun dahil feel na feel mo ang mga lutong bahay na kanilang inihahain.
Balik tayo sa sinigang, simpleng-simple lang ang luto nila dahil nagulat ako nang duma-ting ang order ko. Parang medyo nadismaya nga ako dahil halos sabaw at walang gulay, eh. May kangkong at labanos lang akong nakita, at siguro ilang piraso ng sitaw. Pero wika nga sa Ingles “Don’t judge a book by its cover,” unang higop pa lang kasi ng sabaw ay mapapangiwi ka na sa asim-sarap! Totoo, sa mga mahihilig sa sinigang d’yan subukan n’yo ang beef sinigang nila.
Malambot ang karne at malasa na parang matagal pinakuluan. Mapapansin din na hindi ito tinipid sa pampaasim na kitang-kita sa sabaw ang durog na kamatis bukod pa sa sampalok. Wala akong mapuna bukod sa iilang piraso ng gulay. Pero baka mahal ang gulay nu’ng kumain ako. He he he. Bagay na bagay sa mainit at bagong lutong kanin. Nagkakahalaga ng P110 ang isang order nito (wala pang kanin at drinks).
Kaya minsang magawi kayo sa kanilang kainan at tiyempong may luto sila (hindi regular sa menu) ay subukan n’yo ang kanilang beef sinigang. At ang rate ko sa masarap at maasim na sabaw na ito ay 5 out of 5. Burp!
- Latest