Wala ng tiwala sa lalaki
Dear Vanezza,
Hindi po ako nakapag-college dahil hindi na kaya ng mga magulang ko na pag-aralin ako. Kaya napilitan akong maghanap ng trabaho para makatulong sa kanila at bakasakaling makaipon at makapag-aral muli. Namamasukan po ako ngayon sa isang mabait na amo. Ang problema, ang bf ko. Masyado siyang makitid at maramot. Pag ginusto niyang magkita kami kahit may ginagawa ako dapat pumunta agad ako. Dahil dito kaya umabot sa hiwalayan ang aming relasyon. Natatakot din akong masisante. Bilang ganti niya ay madali niya akong pinalitan. Ang ginawa ko para ipakita sa kanyang hindi ako apektado ay nakipag-bf din. Sa malas naman ay ginamit din pala ako. Dahil sa nangyari sa akin ay parang nawalan na ako ng tiwala sa lalaki at natatakot na rin akong umibig muli. Tama po ba ang ginawa ko at ang nararamdaman ko? - Kaycee
Dear Kaycee,
Mabuti na rin na nagkahiwalay kayo ng bf mo. Hindi pa kayo mag-asawa ay gusto ka na niyang hawakan sa leeg. Kaya ka naghanap ng trabaho ay para makatulong sa iyong pamilya at sa balak na maipagpatuloy ang iyong pag-aaral. Magiging hadlang sa mga pangarap mong ito ang iyong nobyo. Pero hindi naman lahat ng lalaki ay tulad niya kaya wag kang matakot umibig muli. Maging maingat ka lang sa pagpili ng mamahalin at ‘wag agad nagtitiwala at nagpapaniwala sa mga pangako nila. Suklian mo lang ang kabutihan ng iyong amo. Malay mo, baka sila pa ang magpa-aral sa’yo kung makita nilang nagsisikap ka sa buhay.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest