Island of the undead (49)
SA PAMAMAGITAN ng master key ni Doc Larry, natanggal ang mga kadena sa paa nina Miley at Blizzard.
Sinita agad sila ng mga bantay na Undead.
Sa salitang Barok, baluktot na lengguwahe. “Bakit n’yo kalag kadena? Sila tatakas ba?”
“Hindi kami tatakas,” diin agad ni Miley. Alam ng dalaga na kailangan niyang magkaila.
“Kayo tao tanga, gawa bagay wala dahilan!”
Si Duktor Larry ay patuloy na nakatunghay sa pasyenteng nasa kumukulong tubig ng kawa.
Nananantiya sina Miley at Blizzard—kung paano muling tatakasan ang mga Undead.
Para na silang nakikipagpatintero sa mga walang kamatayang nilikha ng kaaway ng Diyos.
Si Duktora Joanne ay ‘sumasayaw sa tugtog’. Gaya nina Miley at Blizzard, she must learn how to survive.
Dapat nilang ipaglaban ang kaisa-isang buhay.
Ewan kumbakit bigla ay naging matitinik ang mga Undead na kalaro. Pinalibutan silang tatlo.
Isang Undead ang naghagilap ng kung ano sa bodega ng isla.
Nang magbalik ay meron nang dalang rolyo ng tanikala o barbed wire.
Walang babalang pinaikutan ng alambreng may tinik ang tatlong tao!
“AAAAHH! EEEEE! IYAAAHHH!” sigaw-tili-hiyaw nina Duktora Joanne, Miley at Blizzard.
Nagkatusuk-tusok ang kanilang katawan, dumudugo.
Kinakalawang na ang barbed wire. Bilang duktor ay alam ni Duktora Joanne ang posibilidad ng tetanus!
“Larry! Help!” sigaw ni Duktora Joanne sa husband na nasa tabi ng kawa. Mamamatay kaming tatlo nang walang kalaban-laban!”
Parang pinipiga ang isipan ni Doktor Larry, hindi siya sanay sa mga karahasan. Lumaki siya sa payapang buhay.
Naghanap ng posibleng panlaban sa tetanus ang duktor. Kinakalma niya ang sarili. (Itutuloy)
- Latest