Pangako kay bunso na napapako
Nagdesisyong mag-Saudi ang kumpare ng mister ko na si Kulag kung tawagin nila, apat na taon na ang lumipas. FX driver kasi siya, pero dahil sa maliit lang ang kita at kapag may sira sa sasakyan wala pa siyang kita sa ilang araw.
Inalok siya ni Manong Gil na mag-Saudi na nakatira sa kabilang kanto, habang nakita siyang nagkakalikot ng FX na pinapasadahan niya, mag-abroad na lang daw para magkaroon siya ng experience.
Marunong daw pala si Kulag magmekaniko ng sasakyan, si Manong daw ang bahala run sa kanya sa Saudi. Nasilaw naman si Kulag dahil walang placement fee, pero P15,000 lang ang suweldo. Nag-usap sila ng asawa niya na wala ring trabaho na magdesisyon na ngang mag-Saudi dahil magkokolehiyo na rin ang panganay nila.
After one month, sabay na sina Kulag at Manong Gil na pumunta ng Saudi. Pumirna siya ng kontrata na mekaniko ang trabaho niya. Pagdating sa Saudi, hindi lang pala mekaniko ang trabaho niya kundi sari-saring pinaggagawa nila ni Manong Gil. Sa gabi nagpipintura sila ng kalsada na ang malupit pa toniladang pintura ang bitbit niya kasama ang ibang Indiyano at Pakistani na workers din. Minsan tubero, driver, welder, depende kung saan ang job order ng Arabo nilang amo kung saan-saang lupalok sa Saudi.
Taun-taon pangako ni Kulag sa bunso niyang anak na babae na 8 years old lang niya nang iyan na uuwi siya. Pero apat na Pasko at Bagong Taon na hindi nila nakakasama ang ama.
Pinagkakasya nilang mabuhay sa P15,000 na suweldo ng tatay nila na madalas delay pa ang pasahod. Kapag inabot pa sila ng Ramadan isang buwan siyang walang trabaho at wala ring suweldo. Last na raw pangako ni Kulag sa bunso niya, pagkatapos ng kuya niyang nagpupulis na harinawang maka-graduate na.
- Latest