Malutong na fried chicken ba kamo? Naku, ito ang paborito hindi lang ng mga bata kundi pati rin matatanda. Hindi ko alam kung ano ang meron sa fried chicken at kahit simpleng luto lang sa bahay ay walang makatatanggi rito. Kahit nga ang simpleng fried chicken sa palengke at bangketa ay mabili.
Pero grabe ha, sa dalawampu’t siyam na taon kong nabubuhay sa mundo ay ngayon ko lang nadiskubre at natikman ang kakaibang fried chicken ng Kipp’s Chicken (never heard ba?)! Salamat sa aking pinakamamahal, na nagpakilala sa akin kay “mang” Kipp’s, o “manang?” ha ha ha! Pero bago pa mapunta kung saan itong pagdadaldal ko, balik tayo sa totoong bida ng kainan na ‘to – ang kanilang masarap na fried chicken!
Ayon sa aking pananaliksik, 1981 pa pala nagsimula ang nasabing kainan na ngayon ko lang talaga nadiskubre kung kailan dalawa na lang ang kanilang branches. Nagsara noong nakaraang taon ang kanilang branch sa SM North EDSA food court. Ang tanging natitirang branches na lang nila ay sa mga food court ng SM Megamall at SM Southmall.
Simulan na natin ang rebyu sa alternatibong fried chicken na talaga namang sariling atin. Kung sawa na kayo sa Chickenjoy ng Jollibee, (na tiyak maraming magpoprotesta, dahil totoo namang hindi nakakasawa), Chicken McDo ng McDonald’s, o KFC fried chicken (na isa sa all-time favorite ko), hindi kayo bibiguin ng Kipp’s Chicken.
Sa halagang P85.00 ay may 1-pc. Chicken meal ka na, na may kasamang Spanish rice at regular drink. Ang 2-pc. Chicken meal naman nila ay nagkakahalaga ng P145.00. Medyo mas mahal lang ng ilang piso kumpara sa malalaking fast food chain.
Lumalaban ang laki ng serving nila ng manok, at siguradong bitin ka sa one cup of rice. Kung susuriin, malutong na malutong at mabango ang balat ng manok! Parang lutong bahay pero pagkagat mo ay wala kang malalasang tulad nito. Talagang wala! Masarap ito at malinamnam dahil siguro sa maraming paminta na makikita sa balat. Ang laman din ay hindi kulay puti tulad sa mga fried chicken ng malalaking fast food chain. Siguro ay may marinade sila kaya malasa talaga pati ang laman.
Ang Spanish rice naman at gravy ay medyo mamantika. May kaunting pait din na malalasahan sa gravy. Pero grabe ang kumbinasyon ng chicken, Spanish rice, at gravy! Nakakaaadik na bawat subo ay heaven sa panlasa ko. Napapangiti ako sa sobrang sarap ng kumbinasyon. Walang halong biro, kakaiba ang kumbinasyon ng malutong nilang manok sa kulay dilaw na kanin, at medyo mamantikang gravy. Talaga namang matatawag ko na itong isa sa aking mga comfort food.
Nagulat nga ako sa katabi naming lamesa dahil may dalawang estudyanteng kumakain din ng Kipp’s Chicken. Nakatutuwa dahil parang loyal customers ang dalawang bagets na sarap na sarap sa kanilang pagkain.
Nakalulungkot lang din dahil dalawa na lang ang branches nito. Kaya naman habang bukas pa ang SM Megamall at SM Southmall branches ay subukan n’yo na kung hindi n’yo pa ‘to natitikman. Habang isinusulat ko ito ay naglalaway ako sa kanilang simpleng fried chicken. Kailan kaya uli ako makakakain? Ha ha ha.
Kaya naman ang ibibigay ko sa fried chicken ng Kipp’s Chicken ay 5 out of 5! Burp!