Best friend, buddy, BFF, bes, fren, tol, kosa, bro, sis, girl, o kahit anomang tawag ang pakikipagkaibigan ng iyong anak ay mahalaga sa bawat stages ng kanyang buhay. Madalas nagsisimula ang kanilang pakikipagkaibigan sa edad na anim na taon na natututo na silang makipaglaro sa labas ng bahay o sa oras na pumapasok na sila sa eskuwelahan kung saan marami na silang ka-share sa mga activities.
Habang nadaragdagan ang edad ng mga bagets nag-iiba na ang pananaw nila sa “friendship” lalo na ang kaibigan na maganda ang pakikitungo o trato sa kanila. Nagsisimula na silang maghanap ng kaibigan na mapagsasabihan ng kanilang mga sekreto, na tutulong sa pagresolba ng kanilang problema, na taong tapat, at kasama na may malasakit sa kanilang pakikipag-bonding sa buhay.
Malaki ang role ng kaibigan sa bawat development ng ating mga anak, ito man ay mapa-emosyonal, social, at spiritual na aspeto ng kanilng buhay. Ang Bible ay may pamantayan sa pagpili ng kaibigan para sa ating mga anak sa I Corinto 15:33. Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali. Kaya maging aware sa mga kinakasama ng ating mga anak na maaaring makahadlang o makasira sa kanilang kinabukasan. Bilang mga magulang gabayan natin sila sa pagpili ng mga nakakasama at narito ang ilang suhestiyon:
Ipanalangin ang kaibigan ng iyong mga anak – Maraming Christian parents na nagdarasal para sa mga mapapangasawa ng kanilang mga anak. Pero bago pa dumating ang araw na iyon, dose-dosenang kaibigan muna ang nakakasalamuha ng mga bata na siyang nakakaimpluwesiya sa pagkatao ng iyong anak. Ipanalangin na bigyan ang iyong anak ng mga “godly” friends o mabubuting kaibigan na makakasama niya sa tuwid na landas.
Paghuhubog ng magandag asal – Nakikita ng iyong mga anak kung paano mo pahalagahan ang katapatan, kabutihan, pakikitungo sa iyong kapwa, at iba pang magagandang ugali. Magiging madali rin sa kanila ang mahikayat sa mga ganitong magagandang qualities ng isang kaibigan.
Kilalanin ang kaibigan ng iyong anak – Bukod sa alamin ang mga pesonalidad ng mga kasama ng anak, ituro rin sa bata ang kahalagahan ng kaibigan sa buhay. Magsisimula ito sa sarili na kung ano ang gusto mong itrato sa iyo ng iba, ay siyang namang gawin mo sa iyong kaibigan. Pag-usap ang mga good qualities ng isang kaibigan at simulan sa iyong sarili.
Pagpili ng kaibigan – Kapag hindi na healthy ang friendship ng inyong anak sa kanyang barkada, ipaalam sa kanya na ang kaibigang ito ay hindi mabuting kasama sa buhay. Sabihan siyang iwanan ang kaibigan na bad influence o nagdadala sa kanyang sa kapahamakan. Ganundin kung ito ay nagpapasakit ng kalooban ng iyong anak sa pagda-down sa kakayahan ng bata. Tulad ng pangbu-bully, madalas siyang pini-pintasan, pinaiiyak, o pinapahiya. Payuhan siyang samahan ang kaibigan na nagpapahalaga sa kanyang pagkatao at kanilang pagkakaibigan.