Sinisiraan ng mga biyenan

Dear Vanezza,

Isa akong plain housewife. Nagtatrabaho sa Saudi ang mister ko at minsan sa loob ng 3 taon lang kami kung magkita. Sa kabila niyan, tapat ako sa kanya. Alam kong nagsasakripisyo siya sa ibang bansa para lamang magkaroon kami ng mabuting kinabukasan ng aming anak. Ang problema ko ay ang aking mga biyenan. Nalaman ko na sinisiraan nila ako sa aking asawa, na may kinalolokohan daw akong lalaki. Nang magkausap kami sa cellphone ng mister ko, sinabi niyang hindi siya naniniwala kaya huwag raw akong mag-alala. At talagang hindi siya dapat maniwala. Maayos kong ginagastos ang ipinapadala niyang pera at nakapagtayo na kami ng sariling bahay. Nakapagpundar din ako ng grocery kahit wala siya. Paano ko kaya itatrato ang aking biyenan sa harap ng mga paninirang ginagawa niya sa akin? - Minyang

Dear Minyang,

Dedmahin mo na lang ang paninira ng iyong mga biyenan. Tutal hindi naman naniniwala ang mister mo at maliwanag ang ebidensiya ng iyong katapatan. Kapag magkakaharap kayo ng iyong in-laws, pakitaan mo lang sila nang mabuti. Kapag ang masamang ginagawa sa iyo ay ginagantihan mo ng kabutihan, lalo ka pang pagpapalain ng Dios. Kung pinapakitaan ka nila ng hindi maganda, sila ang nagkakasala at hindi ikaw.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments