Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong “George”. Sa panlabas na anyo ay babaeng-babae ako pero ang damdamin ko ay lalaki. Hindi ako nagkakagusto sa lalaki kundi sa kapwa ko babae. Walang nakakaalam nito kahit mga magulang ko, kaanak o mga kaibigan. Ayokong lumantad at alam kong madidismaya sila lalo na ang aking mga magulang. Ngayon ay 21 years old na ako at maraming manliligaw. Sinubukan kong mag-boyfriend ng guwapo baka sakaling maantig ang damdamin kong babae ngunit walang nangyari. Iniisip ko ngayon na makipag-break na sa bf ko matapos ang one month relationship namin. Pero naaawa naman ako dahil mahal na mahal niya ako. Dapat ko bang hanapin ang katotohanan at ilantad sa publiko ang tunay kong damdamin?
Dear George,
Tulad din ng mga bakla at ibang tomboy, hindi mo kasalanan na isilang na ganyan ang inyong damdamin. Hindi kinokondena ng Dios ang pagiging bakla at tomboy pero mahigpit niyang tinututulan ang imoralidad. Naniniwala ako na dahil mayroon kang desire o pagnanais na magbago, magagawa mo basta’t mayroon kang determinasyon. Bigyan mo pa ng chance ang relasyon mo sa iyong bf. One month pa lang naman kayo at malay mo, matutunan mo rin siyang mahalin. Pero kung sa kabila nito ay sadyang nananaig pa rin ang puso mong lalaki, gawin mo kung ano sa palagay mo ang magbibigay sa’yo ng kaligayahan at peace of mind. Mabuting ipagtapat mo rin sa iyong magulang ang sikreto mo upang mabigyan ka nila ng payo.
Sumasaiyo,
Vanezza