Panghimagas ba kamo? Naku, hinding-hindi ito mawawala sa hapagkainan ng ating mga Pinoy. Mapa-hinog na prutas, minatamis na kung anu-ano, ice cream, cake, o kahit kendi, siguradong may pantanggal tayo ng umay pagkatapos lumamon.
Dahil likas na mahilig kumain at malikhain tayong mga Pinoy, iba’t ibang panghimagas o dessert din ang naiimbento.
Sa aking paghahanap ay hindi ko nakita ang dapat kakainan kong restaurant sa Katipunan Avenue kaya sa The Old Spaghetti House (THOP) ang bagsak ko. Kilala ang THOP sa kanilang, siyempre, spaghetti. Pero hindi spaghetti ang rerebyuhin natin ngayon kundi ang isa sa best-seller nilang dessert.
Sino ba ang hindi makatatanggi sa all-time favorite ng nakararami na ice cream at chocolate chip cookies? Aminado ako na isa akong fan ng ice cream at chocolate chip cookies. Ilan din ito sa mga comfort food ng karamihan tuwing nakararamdam sila ng lungkot o bad mood.
Balik sa ating rerebyuhing dessert, tinatawag nila itong Colossal Chocolate Chip Cookie Ala Mode. Sa totoo lang, first time kong ma-encounter ang dessert na ito. Hindi naman ako nag-alinlangan na subukan dahil nga sa chocolate chip cookie at siguradong may ice cream ito (dahil sa “ala mode”).
Hindi ako nagkamali sa aking in-order. Pagkahain na pagkahain pa lang ay nangislap na ang aking mga mata sa presentation. Para akong batang excited na unang makatikim ng lollipop. Nakalagay ang sinlaki ng kamay ko ang chocolate chip cookie sa isang sizzling plate na malamang doon na-bake. Mainit-init pa ito at may nakaibabaw ngang vanilla ice cream at nilagyan ng chocolate syrup.
Langit na agad ang pakiramdam ko sa pagkakakita pa lang ng isa sa best-seller dessert ng THOP. Ang ice cream ay medyo natutunaw na dahil mainit pa nga ang cookie.
Sa unang kutsara ng chocolate chip cookie ay medyo natamisan na agad ako. Kahit pa sabihin nating dessert ito ay medyo matamis pa rin para sa chocolate chip cookie. Ang vanilla ice cream naman ay hindi basta-basta ang lasa, kahit ang chocolate syrup.
Masarap ang kombinasyon sa bibig ng mainit-init pang chocolate chip cookie at malamig na vanilla ice cream. Medyo naumay lang ako sa sobrang tamis ng cookie, pero sa laki nito ay puwedeng pang dalawahan ang serving na nagkakahaga ng P140.
Next time, susubukan ko ngang gumawa nito at mag-emote sa bintana isang maulan na araw sa bahay. Ha ha ha!
Enjoy kainin sa sizzling plate ang dessert dahil sa kakaiba ngang presentation. Medyo matamis lang ang kanilang chocolate chip cookie na mabilis makaumay. Kaya ang ibibigay kong rating ay 4 out of 5. Burp!