Ok ba na babae ang manligaw?
Dear Vanezza,
Isa po akong tindera ng isda sa Navotas. May bf ako pero may crush ako na nagtitinda naman ng gulay sa kalapit na puwesto. Bago lang sila at bukod sa guwapo siya, sa tingin ko ay responsableng anak. Siya lang ang kasa-kasama ng kanyang ina sa pagtitinda. Ang problema ko ay hindi niya ako pinapansin. Minsan sinubukan kong kausapin siya. Pero matipid lang ang sagot niya. Kapag nagmemeryenda ako, inaalok ko siya pero ayaw niyang tanggapin. Ang hirap palang maging babae. Kahit may gusto ka sa lalaki ay hindi mo masabi. Yung bf ko tinatabangan na ako sa kanya dahil napakadalang niya lang akong dalawin. - Minyang
Dear Minyang,
Hindi dapat magtapat ng pag-ibig o magpakita man lang ng motibo ang isang babae sa lalaki. Babae ang nililigawan at hindi nanliligaw. Ituloy mo lang ang pakikipag-kaibigan sa kanya. Maaring nahihiya pa siya dahil nga bago lang sila sa puwesto o ‘di kaya’y naiilang siya at hindi sanay na “sinusuyo” ng babae. Kung may gusto siya sa’yo, bayaan mo siyang magtapat. At kung ayaw mo na sa bf mo, tapatin mo siya at makipag-break ka. Kung madalang pa sa patak ng ulan kung dalawin ka, ibig sabihin ay tinatabangan na siya sa iyo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest