INABANDONA na nga ng wang-wang patrol ang kanilang sasakyan. Kanya-kanya na silang pulasan para iligtas ang buhay.
Tinutugis sila ng apat na higanteng gorilya. Galit na galit ang mga ito sa ingay ng wang-wang.
Hindi tatantanan ng mga gorilya ang nakabubulabog na ingay. Nadakma na ng isa ang abandonadong sasakyan.
Sa galit ay ito na mismo ang kinain—kasama ang gulong, makina at iba pa.
KRALANK. GRAAANK.
Masakit sa tenga ng tao ang ingay, nakakangilo pa ng ngipin. Grabeng parusa ito sa nagsisipagtagong mamamayan.
Natinga ang higanteng gorilya, sumabit sa ngipin ang bumper na bakal. Nataranta ang dambuhala.
Nagngangawa. WAAA. WAAA. WAAA.
Sinuntok ito sa nguso ng isang higante. PUG.
Sakto ang suntok. Tumilapon sa matigas na daan ang nakakatinga sa kapwa higanteng gorilya. BRALANG.
SAMANTALA, tuloy na pinahihirapan ng mumunting halimaw sa katawan si Miggy o Miguel. Kahit 95 na lang ang bilang ng mumunting halimaw, ang tindi ng mga kagat nito ay hindi nababawasan.
Wala nang iluha si Miggy. Tahimik na lang na nagdurusa. Napapailing na lamang sa kanyang kalagayan ang nagmamalasakit na mga kamag-anak.
“P-pinsang Paeng, gamitan mo na sila ng karit... utang na loob.” Nakikiusap si Miggy.
Pero pinsang Miggy, di ba ikaw na rin ang nagsabi na nanunuklaw ang mga iyan sa taong nagtatangka silang patayin?”
“G-gumamit ka ng shield o pananggalang, pinsan... hirap na hirap na talaga ako, maniwala ka”.
Nakitulong kay Paeng ang iba pang pinsan sa paghahanap ng shield. Hanggang sa garahe ay naghanap sila.
Isang lumang costume ng astronaut ang nakita nila, kumpletong merong headgear o saklob sa ulo. Isinuot agad ni Paeng.
“Yari ngayon ang mga halimaw mo, Miggy!” (ITUTULOY)