Sandaang mumunting halimaw (38)
NAGPA-ESE-ESE ang takbo ng sasakyan ng mga sekyu. Bago pa nakabawi ang driver ay bumangga na ang van nila sa poste.
BRAAM.
Napakalakas ng impact. Nayanig ang matabang poste. Wasak na wasak ang sasakyan, bumaligtad pa nga.
Naipit sa manibela ang driver.
Himala namang nakaligtas sina Tiya Pura at Miggy at ang dalawa pang sekyu ng memorial park.
Alam ni Miggy na nanganganib sila ng tiyahin sa ngitngit ng mga sekyu; posibleng magkapatayan.
“Takbo, Tiya Pura!”
“Ikaw ang uunahin nila, Miguel! Kayo ng mga halimaw mo! Takbooo!”
Hinahabol sila ng dalawang sekyu. Sagad ang galit ng mga ito sa lalaking merong mga halimaw.
Mabilis ang isang sekyu, tinalon si Miggy. Pumlakda ang dalawa sa tabi ng kongkretong sidewalk.
KABLAGG.
Si Miggy ang napailalim, nakasubsob, naiipit ang mga halimaw.
Tinalo ng galit ang takot ng dalawang sekyu. Desidido nang pagbabarilin ang maliliit pero malulupit na kalaban.
Itinihaya nila si Miggy, binantaan. “Huwag kang gagalaw kung ayaw mong mamatay! Hands up!”
Nagtaas ng kamay si Miggy. Ang tiyahin niya ay nakatakas, nakalabas sa main gate ng memorial park.
Walang planong pumatay ang dalawang sekyu. Ang tanging nais ay pagbabarilin ang mga halimaw.
Inianggulo nila si Miggy. Ang bala ay uubusin lamang sa deadly creatures ng binata.
Pakiwal-kiwal ang mga halimaw ni Miggy. Alam ng mga ito na sila ay pagbababarilin ng mga sekyu.
BANG-BANG-BANG-BANG.
Sapol ang ulo ng apat, sumambulat, patay na patay. Ang dating 99 halimaw ni Miggy ay naging 95 na lamang. (Itutuloy)
- Latest