Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa alyas Broken-hearted, 18 years old at sa edad kong ito ay natuto akong umibig ng totoo pero nabigo ako. Napaibig ako ng aking college professor. Kahawig siya ni Brad Pitt at isa na ako sa maraming nagkakagusto sa kanya. Binata pa siya at 26 years old lang. Matamis siya magsalita at makisig kaya nahulog ang loob ko sa kanya. Minsan ay tinawagan nya ako sa cell phone. Nagulat ako sa gusto niyang mangyari. Gusto niya akong dalhin sa motel para patunayan ko raw na mahal ko siya talaga. Hindi niya ako tini-text. Laging tawag lang sa cell phone. Ngayon ko naisip na umiiwas siya na magkaroon ng ebidensiya. Dun ako nag-isip-isip. Kahit mahal ko siya ay hindi ako pumayag sa gusto nya. Ang huling salita niya sa akin ay “ikaw ang bahala”. Kaya nang magkita kami sa klase ay iba na siya. Hindi na niya ako kinikibo maliban na lang sa mga bagay na may kinalaman sa aming aralin. Masakit para sa akin dahil ang akala ko’y totoo siya. Yun pala isa lang ang kanyang hangad. Paano ko po siya malilimutan?
Dear Broken-hearted,
Dapat kang magpasalamat dahil blessing in disguise na nakita mo ang totoong kulay ng propesor mo na isa palang mapagsamantala. Kalimutan mo na siya dahil hindi siya karapat-dapat na mahalin mo. Ginagamit niya ang kanyang kaguwapuhan para makabingwit ng kadalagahan. Bata ka pa at mabuting ituon mo na lang sa pag-aaral ang iyong atensiyon. Sadyang dumaraan sa infatuation ang mga kabataang tulad mo. Naniniwala ako na lilipas din ito.
Sumasaiyo,
Vanezza