Patay na ako, mahal (38)
NAKAKAUSAP ni Avery ang kabayong tipong pangarera. Pinasasakay siya nito “Ingat lang po, bibilisan ko ang takbo”.
“Kakapit akong mabuti sa renda,” bulong ni Avery sa kabayo. “Ano ba ang tawag sa iyo ng may-ari?”
“Horacio po, mam”
“Horacio, bilisan mo na ang takbo. Kailangang makarating agad tayo sa ospital na pinagdalhan kay Russell.” Nakasakay na sa kabayo si Avery.
TAGADAG-TAGADAG. Matikas nang nagtatakbo sa main road ng memorial park ang kabayo.
Si Avery ay sanay, noong kabataan ay lumaki sa asyendang maraming alagang kabayo.
Natawag ang pansin ng mga taong bumibisita sa mga puntod; hindi ordinaryong tanawin na merong makisig na kabayong nagtatatakbo sa libingan.
Ang hindi klaro ay kung nakikita o hindi ng mga tao si Avery.
Tuluy-tuloy sa gate ng memorial park ang tumatakbong kabayo. Nataranta ang gate guards.
“Hey! Saan galing ang kabayong ‘yan?” Hindi malaman ng gate guards kung haharang o padadaanin ang kabayo.
Tinalon ng kabayo ang sarado pang gate. KABLAGG.
Nakasakay pa rin si Avery. Nasa main highway na sila. “Horacio, sa kanan! Naroon ang ospital!”
TAGADAG-TAGADAGG. Lalong binilisan ng kabayo ang pagtakbo, lumulusot sa mga sasakyang naggigitgitan.
PRIIIT. PRIIIT. Panay ang silbato ng mga pulis-trapiko. Hindi malaman ang gagawin sa kabayong ligaw.
PRUWWIIT.
“Ulk! Ahaak...gahaak...” Nalulon ng isang pulis-trapiko ang silbato, namutla, halos hindi makahinga.
Comedy of error ang nagaganap. Posibleng mamatay ang pulis sa isang nakatatawang eksena.
“HORACIO, hayan ang ospital!” sabi ni Avery sa kabayo. “Hintayin mo ako sa labas. Doon ka muna sa tabi ng punong-mangga.” (Itutuloy)
- Latest