Tamad si misis
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Bruno. Problema ko ang aking misis na tamad at hindi maaasahan sa mga gawaing bahay. Apat na taon na kaming kasal at may isang anak. Mayaman ang pamilya niya at may katulong sila noon na gumagawa lahat ng gawaing bahay nila. Tutol sa akin ang mga magulang niya kaya nagtanan kami. Halos itakwil siya ng kanyang mga magulang pero ako pa rin ang pinili niya. Akala ko magbabago na siya kapag kinasal na kami, pero hindi pala. Kapag pinupuna ko ang magulo naming bahay, nagagalit siya. Ikuha ko raw siya ng katulong. Kaso, maliit lang ang sahod ko at umuupa lang kami ng apartment. Wala na kaming kakainin kung magpapasuweldo pa ng katulong.
Dear Bruno,
Nang ligawan mo ang misis mo, alam mo ang kanyang kalagayan sa buhay. Tanggap mo pati kapintasan niya kabilang na ang kanyang pagiging tamad. Sa kabila nito, minahal mo pa rin siya at pinakasalan. Dagdagan mo lang ang iyong pasensiya at pagtiyagaan mong makuha siya sa diplomasya para magbago. Ipaunawa mo sa kanya ang kanyang obligasyon bilang ilaw ng tahanan. Kung mangingibabaw ang inis o galit, baka hindi maaayos ang problema.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest