Paano mo masasabi o malalaman na ang iyong kasalukuyang boyfriend ngayon ay may kapasidad na maging mabuting ama sa iyong mga magiging anak sa oras na ito ay maging asawa mo na? Katulad ni Maya, 36, dalaga. Nagdududa s’ya kung ang kanyang boyfriend ay magiging mabuting ama dahil kinakikitaan n’ya ito ng pagkairita sa mga bata. Narito ang ilang paraan para malaman mo na ang isang lalaki ay magiging “ideal father”.
Nangangarap na sariling pamilya - Kung sa umpisa pa lang ng inyong relasyon ay sinasabi na n’ya na gusto n’ya na bumuo ng sarili niyang pamilya at makapag-“around the world” na kasama ang kanyang magiging anak, masuwerte ka na, dahil ang pangarap na ito ay wala sa isip ng lahat ng kalalakihan, lalo na ang mga lalaking takot sa “commitment”.
Magiliw sa mga bata – Tingnan mo kung paano s’ya makitungo sa mga bata sa labas o sa kanyang mga kaanak. Malupit o masungit ba s’ya sa mga bata? Kung paano s’ya makitungo ngayon sa mga bata sa kanyang kapaligiran, malaki ang posibilidad na ganito din ang kanyang magiging pakitungo sa kanyang mga magiging anak.
Inaalagaan ka n’ya – Paano ba s’ya makitungo sa’yo kapag ikaw ay may sakit? Nagpapakita ba s’ya ng pag-aalala sa iyong kalusugan? Kung inaalagaan ka n’ya ay ganun din n’ya maaaring alagaan ang inyong magiging anak. Pero kung wala siyang pakialam sa’yo o sa iyong kalusugan, ganito din ang makikita mo sa kanyang pagtrato sa kanyang magiging anak.