Ang babaing kinakain ang lahat (59)

NAPAKALAKI ngang eksena ang nalikha ni Tatiana. Lumabas siya sa kalye mula sa motel, nang hubo’t hubad,  kasunod ang libu-libong dagang bubuwit.

Kundi pa siya nainitan sa sikat ng tirik nang araw, hindi pa sana magdadamit si Tatiana. Hinubaran nga niya ng damit ang isang magandang dalaga, ang damit niyon ang isinuot.

 Naiwang umiiyak ang nahubarang dalaga, hiyang-hiya dahil naka-bra at panties na lamang. “Hu-hu-hu-huuu”.

Meron namang mga kapwa babae na nagmagandang loob, tinabingan ang dalagang nahubaran; ibinili ng damit sa kalapit na tiyangge.

SAMANTALA’Y nakarating na sa main road si Tatiana at ang sangkatutak na mga bubuwit.

 Napakaraming tao ang nabulabog; 99 percent naman ng mga tao ay nandidiri at natatakot sa mga daga.

 Lumaganap na naman ang hiyawan. “Eeeee!”

“Aaaahh!”

  Pati pulis na nasa outpost at nagtatrapik ay nataranta. Panay ang silbato.

PRRIIIT! PRIIITTT!

 Nalulon tuloy nito ang silbato.  Nagbara sa lalamunan, hindi makahinga.

WEEINNG-WEEINNGG!

Isinugod ito ng ambulansiya sa pinakamalapit na ospital. Hindi doon nagtapos ang mapaminsalang scenario ni Tatiana. Isang matandang tindera sa sidewalk ang nakalulon ng bubuwit.

Natigok agad ito, hindi na umabot sa ospital. Shock na shock ang mga tao, laluna ang mga kaanak ng tindera.  “Lola Manteng!  Hu-hu-hu-huuu!”  Pati mga bus at dyipni na nakahinto sa traffic ay napasok ng mga bubuwit. Kayhirap ma-imagine ang kaguluhang nalikha ng mga ito.

Gayunma’y nadakip ng police force si Tatiana. Dinala siya sa presinto para imbestigahan. (ITUTULOY)

Show comments