Batugan ang ka-live-in

Dear Vanezza,

Ang problema ko ay tungkol sa ka-live-in ko ngayon. Mayroon na kaming anak sa loob ng mahigit 4 na taong pagsasama. Itinakwil ako ng aking mga magulang  nang samahan ko ang lalaking ito. Tatanggapin lang daw nila ako kung hihiwalayan ko siya. Nung nililigawan pa lang niya ako, ang gaganda ng kanyang mga pangako. Ibibigay niya lahat ang gusto ko at ititira sa magandang bahay. Dahil guwapo siya at mukhang mabait, sinagot ko siya at nagsama kami. Nang magsama kami ay nabunyag sa akin ang katotohanan. Hindi pala siya mayaman at batugan pala siya. Hanggang ngayon ay walang trabaho at nakatira lang kami sa isang maliit at mabahong kuwarto na inupahan namin ng P1,000. Napilitan akong magtinda ng pagkain sa harap ng aming tinitirhan para may mapagkunan ng ikabubuhay namin. Kung minsan ay naiisip kong hiwalayan na siya. Tapos naman ako ng 3rd year college at siguro ay may tatanggap sa akin sa trabaho. Ilang beses ko na siyang sinabihan na maghanap ng trabaho pero hindi niya ako pinapansin. Hindi naman tama na ako lang ang kakayod habang ang asawa ko ay walang ginawa kundi matulog at kumain. - Juryn

Dear Juryn,

Kung kaya mo siyang hiwalayan, yan ang gawin mo. Balikan mo ang iyong mga magulang at humingi ng tawad. Tutal hindi kayo kasal bagamat nagkaanak kayo. Palagay ko naman ay tutulungan ka nila. Sana’y maging aral sa iyo na sa pag-ibig hindi puro puso ang dapat umiral kundi dapat gamitin ang utak. Sa panahon kasi ngayon, maraming kabataan ang nahihikayat dahil sa kagandahan o kaguwapuhan. Ang panlabas na anyo ay kumukupas. Higit na mahalagang katangian ng tao ay ang ugali.

 

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments