Brazilian o Fil-Am?
Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa pangalang Riza malapit nang mag-40 years old. Problema ko ang dalawang lalaki na nakilala ko. Hindi ko malaman kung sino sa kanila ang pipiliin ko para pakasalan. Pareho silang foreigner, isang Fil-Am at isang Brazilian. Pareho ko silang nakilala sa website pero ang Fil-Am ay nakita ko na ng personal dahil bumisita siya sa Pilipinas. Samantala sa e-mail lang at pagpapalitan ng larawan ko naman nakilala ang Brazilian. Si Fil-Am ay halos ka-edad ko lang at nagtatrabaho sa isang information technology firm sa California. Mas malapit sa aking puso ang Fil-Am, masaya siyang kasama sa lakaran sa panahon ng pagtigil niya sa bansa. Kaya lang nais pa raw niyang ganap kaming magkakilala at wala siyang maipangakong commitment. Ang Brazilian naman ay handa raw pakasal sa akin sa sandaling makatapos na siya ng military service. Nararamdaman ko ring tapat siya sa mga sinasabi niya sa akin at bagaman hindi pa kami nagkikita nang personal. Mas matanda siya sa akin ng 10 years, diborsyado at may 2 anak. Sa pinansiyal na aspeto, mas nakakaangat ang Brazilian. Kaya naguguluhan ako kung sino nga ba ang mas matimbang sa aking damdamin. Tulungan mo akong magdesisyon.
Dear Riza,
Isa lang ang puso mo kaya dapat na maging maingat sa pagpili ng makakasama mo sa buhay. Umabot ka sa edad na 40 na isang dalaga marahil ay naging mapili ka sa lalaki para nga naman hindi ka magkamali. Kilalanin mo munang mabuti ang dalawa mong suitors para hindi ka madehado. Kailangan ang compatibility, respeto at katapatan sa isang pagsasama. Sa pagpili rin ng magiging asawa, hindi lang puso ang dapat pairalin, kailangan din ang seguridad.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest