SA HARAPAN ng mag-asawang Almario at Sofia, nginalot nga ni Tatiana ang isa sa apat na poste ng crib nito. Ngasaabb. Ngaalott.
Namutla si Sofia, nanginig na naman sa takot.
Pero pinairal ang will-power, hindi inatake sa puso.
Iyak nga lang nang iyak, hindi matanggap na ang bagong silang na baby, si Tatiana, ay ngumalot nga ng poste ng crib nito.
Bigla’y ayaw nang lumapit ni Sofia kay Tatiana; bigla’y si Almario na ang sandigan nito.
“Hu-hu-huu. Tama ka yata, Almario...ang isinilang ko ay...monster...”
“Huwag muna nating pagsarhan ng pag-asa ang anak mo, Sofia. Baka naman ito ang una at huling pagngalot niya ng tablang poste,” pasubali ni Almario.
Umiling-iling si Sofia. “Ngayon kita naiintindihan, Almario...kumbakit ayaw mong tanggaping anak natin si Tatiana...
“Kasi’y anak ko nga lang pala siya sa taga-ibang planeta...”
“Sofia, ia-under observation ko nga ang anak mo...”
“Hu-hu-hu-huuu...bakit ako pa ang napiling anakan ng lulan ng Flying Saucer, Almario? Milyun-milyon ang babae sa Pilipinas...”
Bumuntunghininga si Almario, napapailing din. “Iyan mismo ang tanong ko, Sofia, bakit ikaw pa?”
Tinapunan nila ng tingin si Tatiana. Payapa itong nakatanaw sa kanila, may lungkot sa mga mata.
Naawang bigla ang mag-asawa. “Para siyang nagdaramdam sa atin, Sofia. Tila alam na natatakot tayo sa kanya...”
“Mommy...” paiyak na tawag ni Tatiana, nakatingin kay Sofia.
Kinilabutan na naman sina Almario at Sofia. Hindi mapaniwalaang nagsasalita na ang batang bagong silang.
“Mommy... yakap mo ako... mahal kita...”
Yumugyog ang balikat ni Sofia, lalong napaluha, nanaig ang pagkaina.
Nawala ang lahat ng takot ni Sofia, tinakbo si Tatiana, niyakap ito nang buong pagmamahal.
“Hindi ko papayagang maging monster kang tuluyan, Tatiana, anak! Bukas na bukas din ay pabibinyagan kita kay Father Melvin!”
Kitang-kita ni Almario, pinanlisikan siya ng mga mata ni Tatiana. Dinuro pa siya ng bata! (ITUTULOY)