Pakawalan na ang babaerong mister

Dear Vanezza,

Isa po akong misis na may 2 anak. Komportable ang aming pamumuhay dahil good provider ang aking asawa. Pinahinto na niya ako sa pagtatrabaho para maasikaso siya at ang aming mga anak. Nagsimula ang aking problema nang ma-promote siya sa kanyang trabaho at nag-expand ang kanilang kumpanya. Halos hindi na siya umuuwi ng bahay. Kasabay nito ang panlalamig niya sa akin. Hanggang sa nadiskubre ko ang kanyang mga pambababae. Ang iba ay ibinahay at naanakan na niya.  Maraming beses na siyang nangakong magbabago pero lagi ko siyang nahuhuli sa akto. Nakipaghiwalay na ako sa kanya kapalit ng sustento niya sa amin. Pero tumanggi siyang mag-file ako ng legal separation. Dahil sa nangyayari sa amin, nagrebelde ang aming mga anak. Nawala ang respeto nila sa kanilang ama. Ginawa ko na lahat para mapanatiling matatag ang aming pamilya, pero wala pa rin. Ano po ang gagawin ko? - Neng

Dear Neng,

Kung hindi na talaga mapipigil sa pambababae ang asawa mo, tama lang ang ginawa mo. Kailangan mo rin ang respeto para sa iyong sarili. Sa kabila ng pagrerebelde ng iyong mga anak, sikapin mo pa rin na maibalik ang respeto nila sa kanilang ama. Anu’t anuman ay ama pa rin nila ito. Doblehin mo ang paggabay sa kanila para matiyak na hindi nila sasayangin ang kanilang buhay dahil sa galit sa kanilang tatay. Manalangin ka na mabigyan ka pa ng katatagan at malagpasan ang kinakaharap na pagsubok.

 

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments