Dear Vanezza,
Ang bf ko po ay may mapait na karanasan sa kanyang nakaraang relasyon. Hindi siya sinipot ng kanyang dating nobya sa araw ng kanilang kasal. Ngayon po ay handa na akong magpamilya. Kapwa kami stable sa trabaho at nakatitiyak naman ako na sa 5 years naming magkarelasyon ay malalim na ang aming pagkakakilala sa isa’t isa. Kaya lang hanggang ngayon ay hindi pa niya ako inaayang pakasal. Pangit naman kung sa akin magmumula ang pagyaya sa kanya na lumagay na kami sa tahimik. Wala rin akong makitang rason para patagalin pa namin ang pagiging magkasintahan pwera na lang kung mayroon siyang ibang inililihim sa akin. Kung ibang babae, wala akong alam at wala akong dapat na pagdudahan. Puwede ko po bang sabihin sa kanya na habang maaga at bata pa kami pareho nais kong magkaroon na kami ng baby? Hindi kaya wala siyang kakayahang bigyan ako ng anak? Mahal ko po ang aking nobyo at hindi ko kakayanin na magkahiwalay kami. - Michie
Dear Michie,
Malaki ang posibilidad na hindi pa rin nakakawala sa dinanas na kabiguan sa dating nobya ang iyong bf. Bakit hindi mo siya subukang kausapin? O kaya’y subukan mong magtanong sa kanyang mga kaibigan o kapamilya tungkol sa tunay na nangyari nang hindi siya siputin ng kanyang fiancee. At mula noon ay gumawa ka ng hakbang. Maaari rin naman na magpahaging ka o kaya’y ang iyong mga magulang kaugnay sa pagnanais mo na mag-settle down na. Higit sa lahat sikapin mo sa abot ng iyong kakayahan na ma-secure ang relasyon mo sa iyong bf para tuluyan na niyang malimutan ang mapait na kabiguan sa dating pag-ibig. Isama mo na rin ang kahandaan mo sa posibilidad na mag-ampon kayo sakaling magkatotoo ang palagay mo kaugnay sa kakayahan niyang bumuo ng sariling pamilya.
Sumasaiyo,
Vanezza