Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Kat, 28, dalaga. Dapat sana’y nag-asawa na ako last year pero malaking kahihiyan ang inabot ko dahil matapos maihanda ang lahat, biglang nagbago ng isip ang bf ko. Handa na ang mga wedding invitations pati mga ninong, ninang at mga abay. Alam na ng lahat sa opisina, kapitbahay, mga kaibigan at mga kamag-anak ang plano naming pagpapakasal. Isang linggo bago ang petsa ng kasal ay tinawagan niya ako. Sabi niya napikot daw siya ng isang babaeng nabuntis niya. Yun lang at pinatay na niya ang cellphone. Hindi ko nakuhang magsalita pa. Hinimatay ako sa nangyari at isinugod ako sa ospital. May nagpapayo sa akin na idemanda siya pero ayokong gawin dahil baka mas lalong malaking iskandalo ang mangyari. Dahil dun ayaw ko nang umibig pa. Parang namatay na ang puso ko sa tawag ng pag-ibig. Pagpayuhan mo ako kung paano mawawala ang sakit sa aking puso. Madalas akong hindi mapagkatulog dahil naiisip ko ang kahihiyang dinanas ko.
Dear Kat,
Sariwa pa ang sugat sa puso mo pero maghihilom din ‘yan sa paglipas ng panahon. May kasabihan na “time heals all wounds.” Kahit masakit, ipagpasalamat mo na rin na hindi natuloy ang inyong kasal. Kadalasan ay may dahilan ang mga bagay na nangyayari sa ating buhay. Maaaring paraan ito ng tadhana upang ilayo ka sa isang taong walang kuwenta. Kung nangyari yan na kasal na kayo, dusa ang sasapitin mo. At least, nawalan ka ng problema habang maaga. Keep yourself busy sa mga bagay na puwedeng makalibang sayo. Makakatagpo ka rin ng lalaking mamahalin ka at hindi lolokohin.
Sumasaiyo,
Vanezza