NAPAKAMOT ng ulo si Simon sa tanong ni Miranda. Sabi kasi ng magandang smuggling queen, kung nasa langit na ba sina Antonya at Arnold?
“Sori po, Mam Miranda, mula pagkabata ko po hanggang ngayong beinte-dos anyos na ‘ko—hindi po talaga ako nahilig sa relirelihiyon. Free thinker po ako.”
Mangha sa guwapong tauhan si Miranda. “Ibig mo bang sabihin ay hindi ka naniniwala kay God?”
“Aba, Mam Miranda, naniniwala naman po ako kay Lord—laluna kapag nakakakita ako ng sanggol na bagong silang, o kaya naman ay namamasdan ko ang mga kahuyan.
“Tanging ang Diyos lamang po ang nakakagawa ng mga iyon.”
“Amazing, Simon! Napakatalino mo pala!”
“Salamat po kay Lord,” buong pakumbabang sabi ni Simon. Hindi kailanman kinakitaan ni Miranda ng kayabangan ang binatang ito.
“Sa simple mong pananaw, Simon, nasaan na ang kaluluwa nina Antonya at Arnold—nasa Langit o nasa Impiyerno?”
Hindi naman nagkait ng sagot si Simon. “Sina Antonya at Arnold po ay hindi pa naman nakapatay ng kapwa-tao, kung gayon po, may tsansa sila sa Langit.”
Kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Miranda. Ayaw niyang matupok sa Impiyerno sina Antonya at Arnold.
Biglang naisip itanong ng smuggling queen. “E, ako kaya, Simon?”
Sandaling natigilan ang tauhan, halatang nag-isip nang malalim. “Ibang kaso po kayo, Mam Miranda. Sa matagal ko nang paninilbihan sa inyo, kailanman po ay hindi ko kayo kinakitaan ng paniniwala kay Lord...”
Natigilan si Miranda. Tama si Simon, hindi siya naniniwala sa Diyos. “K-kapag pala namatay ako ngayon o bukas—diretso ako sa walang katapusang apoy?”
Napailing si Simon. Nagkokontrahan kasi ang sinabi ni Miranda. “Mam Miranda, hindi po kayo puwede sa Langit at hindi rin puwede sa Impiyerno. Kasi po’y wala kayong pinaniniwalaan sa dalawa.”
“Kung gayo’y saan ako mapupunta, Simon?”
Sa Limbo po, Mam Miranda. Narito kayo pero wala naman dito. Naroon kayo pero wala naman doon.” (ITUTULOY)