KAYDAMI agad dumalo sa biglaang miting ni Miranda sa fishing village. Ang mahihirap na pamipamilya ng mga mangingisda ay laging umaasam sa mabuting balitang pangako ni Miranda.
Bigla ay napansin din ng mga dumalo ang kakaibang kabaitan ng mukha ni Miranda.
Naalala nila ang taong may ganoon ding kabaitan ng anyo.
“Parang si...Padre Tililing,” bulong ng isang ginang na malalaki na ang anak.
“Oo nga, ganyang kaamo ang mukha ni Padre!” pag-ayon ng kapitbahay na ginang din.
Iyon din ang obserbasyon ng mga mangingisda. Bigla ay na-miss nila ang butihing preacher.
Pinalinya sila ni Mang Gorya sa harap ni Miranda. “Kayo mismo ang magsasabi ng inyong pangangailangn kay Miss Miranda, mga kasama.”
Nagpaalala si Miranda, sa tinig na banayad. “Mga tunay na pangangailangan po ang inyong sasabihin. Magagalit po ang Diyos sa nagsisinungaling at nandadaya.”
Nagkatinginan ang mga tao. Pero tanggap nila ang sabi ni Miranda-- walang mandadaya.
“Kailangan po naming maipagawa ang bangkang nasira ng malalaking alon.”
“Dadalhin ko po sa ospital sa ibayo ang anak kong nabalian, pero wala kaming pamasahe at pambili ng gamot.”
“Nagugutom po ang mga anak ko, mam. Maysakit po ang mister ko at hindi pa makapangisda.”
Isinusulat ni Miranda ang bawat pangangailangan ng mga tao.
“Saglit lang po, may kukunin ako sa sasakyan,” sabi ni Miranda, sa banayad pa ring boses.
Tahimik namang naghintay ang mga tao, pawang umaasam, buo ang pag-asa kay Miranda.
Pasan ni Miranda ang malaking bag. Pera pala ang laman. Cash na handang ipagkaloob.
Walang hindi naluha sa lahat ng nabiyayaan. Gagamitin nila sa tama ang pera. Lubos ang pasasalamat kay Miranda. (ITUTULOY)