The ghost of ‘padre tililing’ (6)

AROGANTENG nagtanong ai Miranda sa may-edad na mangingisda. “Kailan ang libing nitong si Tililing?”

“Pagdating po ng kamag-anak mula bayan, M-Mam.”

“Kailan darating?”

Nalito ang tinanong. “Si Padre Tililing po?”

Pak! Sinampal ito ni Miranda. Malakas.

“Bobo! Kailan ang dating ng kamag-anak ni Tililing? Itong bangkay niya ay hindi na babalik, tanga!”

“Padating n-na raw po sa loob ng isang oras, ayon sa katulong ni Padre.” Pulampula ang nasampal na pisngi ng mangingisda.

“Huwag mong tawaging Padre si Tililing, hindi siya tunay na pari!” sigaw ni Miranda; nadinig ng mga naglalamay.

Isa man ay walang kumontra; takot lahat sa malupit na smuggling queen. Alam ang karahasan nito.

Hinagod ng matalim na tingin ni Miranda ang mga naroon. Isinigaw ang utos. “Papuntahin sa bahay ko ang kamag-anak pagdating na pagdating!”

“Opo, mam!” sabay-sabay sagot ng lahat.

Taas-noo, mayayabang na umalis na sa lamay sina Miranda at Antonya; ang huli ay hawak ang baril.

BRUUUMM. Pati sasakyan nina Miranda ay mayabang ang harurot. Humagibis nang palayo.

Saka lang parang nakahinga ang mga nasa lamay. Pansamantalang nabunutan sila ng tinik.

Nagtitinginan lamang ang mga ito, napapabuntunghininga; wala isa mang nagpahayag ng pagkontra.

DUMATING sa bahay ni Miranda ang nag-iisang kamag-anak ni ‘Padre Tililing’ —isang lalaking matapang, palaban.

Dalawang bantay ang mabilis na kinarate nito, plakda. Ang ikatlong bantay ay tinutukan ito ng baril sa ulo.

“Huwag,” maagap na utos ni Miranda. “Mag-uusap kami.”

Walang inaksayang sandali ang palaban na lalaki. “Ako ang uncle ni ‘Padre Tililing’, narito para ipatupad ang kanyang habilin!” (ITUTULOY)

 

Show comments