‘Di inaalok ng kasal
Dear Vanezza,
May ka-live-in ako ngayon, 12 years na kami at may anak. Ngayon ko lang nalaman na may asawa na pala siya. Kaya pala hindi niya ako mapakasalan. Pati sahod niya ay hindi ko mahawakan. Hanggang sa makilala ko ang isang lalaki na nakarelasyon ko. Alam niya ang lahat sa buhay ko. Ang lahat ng inaasam ko na itrato sa akin ng aking matagal na ka-live-in ay sa kanya ko nararanasan. Hindi pa man kami nagsasama ay buong pagtitiwala niyang ipinahahawak sa akin ang kanyang sahod. Sustentado ng aking ka-live-in ang aming anak. Nangangamba ako na matuklasan ng kanyang asawa ang aming relasyon at mauwi sa wala ang lahat. Pero may pangako siyang pag na-annul na ang kanilang kasal ng misis niya ay magpapakasal kami. Pero wala naman akong nakikitang ginagawa niya para sa annulment. Kung sa bago ko namang karelasyon ako sasama, magsisimula kami sa wala. Pero tanggap niya kung ano ako at mahal ko po siya. Sino po sa palagay ninyo ang dapat kong piliin? - Ms. Confused
Dear Ms. Confused,
Huwag mong asahan ang pangako niya na papa-annul ang kasal niya at pakakasal kayo. Kung hindi mo pa siya nabisto ay hindi siya magri-reason sa’yo.
Huwag mong hayaang maging instrumento ka sa pagkawasak ng isang pamilya. Kung sustentado naman niya ang anak ninyo, wala kang dapat alalahanin. Tungkol sa bago mong karelasyon, kilalanin mo muna siyang mabuti. Binata ba siya, walang sabit?Tandaan mo na ang pangunahing sangkap ng pakikipagrelasyon ay tunay na pagmamahal. Sa pamamagitan nito, anumang pagsubok ang dumating ay malalampasan dahil nakakatiyak kang may karamay ka sa buhay.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest