Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Mona, 25 anyos at may asawa. Ang problema ko ay ang aking mister. Magmula nang matanggal sa trabaho ay nagbago ang ugali. Naging mapili siya sa trabaho at kung magkaroon man siya ng work ay pinagsasawaan niya agad at bigla na lang hindi papasok. Ngayon ay nasa bahay lang siya. Masipag naman siya sa mga gawaing bahay at pag-aalaga ng aming anak. Pero sa tingin ko ay hindi tama ito dahil lalaki siya at hindi dapat ipaubaya sa akin ang pagha-hanapbuhay. Kulang pa sa pangangailangan namin ang sinasahod ko. Kinausap ko na siya pero mataas ang kanyang pride. Supervisor na kasi siya sa trabahong nawala sa kanya kaya ayaw niyang magsimula sa mababa. Ano ang mabuti kong gawin?
Dear Mona,
Tingin ko’y na-offend ang ego niya nang mawalan siya ng trabaho lalo pa’t mataas na ang kanyang posisyon. Bilang asawa, tulungan mo siyang makabangon. Mag-usap kayong mabuti at bigyan mo siya ng encouragement na walang masamang mag-umpisa sa mababa at sa pagsisikap ay tataas din ang posisyon niya. Bigyan mo siya ng motivation na may talento siya at masasayang lang ito kung ibuburo lang niya at hindi pagaganahin. Para na rin sa future ng inyong anak kung magsisikap siyang muli.
Sumasaiyo,
Vanezza