Ghost train (22)

KUNG kailan umamin sa isa’t isa sina Nenita at Vincent na sila ay soulmates, saka naman mu­ling nang-abala ang ghost train.

Biglang preno ng sinasakyan nilang taxi dahil walang babalang  humarang ang super-bilis na ghost train, ayon sa taxi driver.

Napapalunok sina Vincent at Nenita—hindi nila nakita ang nagmumultong tren.

“W-wala kaming nakita, manong driver,” matapat na sabi ni Nenita. “Natitiyak n’yo po ba?”

Tumango ang may-edad nang driver, putlang-putla. “Hindi po ako nagbibiro, mam, t-talaga pong kitang-kita ko ang ghost train…”

Honk-honk-honkk. Pid-pidd. Binubusinahan na  sila ng mga kasunod na motorista. Sa gitna kasi tumigil ang taxi.

Pinatakbo naman agad ito ng driver, napapai­ ling. “Ako lang pala ang nakakita sa ghost train. M-masamang pangitain ito—m-merong mamamatay sa ating tatlo…”

Nagkatinginan sina Nenita at Vincent. Kinabahan.

“Meron bang may malalang diabetes sa inyong dalawa, mam, sir? O baka po may sakit kayo sa puso, sakit sa lungs, o kaya’y manipis na ugat sa batok?” tarantang tanong ng manong drayber.

“Wala pong maysakit sa amin, manong,” sagot ni Vincent.

“Ako naman po’y malusog, kahit mataba,” pahayag ng taxi driver. “Kapapa-check up ko lang po sa duktor.”

Tumitindi ang kaba nina Vincent at Nenita.

Hindi nila maunawaan ang nagmumultong tren na this time ay isang tao lang ang nakakita, ang drayber lamang.

“Manong, b-baka po…kayo?” Hindi napigil ni Vincent ang hinala.

Namutla na naman ang taxi driver. “Mam, sir, huwag po naman sana…hindi pa po ako handang mamatay…”

Bang-bang-bang. Tatlong putok ng baril, ibinuga ng  riding in tandem. Nasapol ang may-edad na drayber.

“Eeeee!” Kaylakas ng tili ni Nenita.

(ITUTULOY)

 

Show comments