Dear Vanezza,
Isa akong single paÂrent. Nagkaroon ako ng bf noong nasa college pa ako pero nag-break kami dahil ipinagpalit niya ako sa iba. Para makalimot, nag-entertain ako ng textmate. Isa rito ang pumayag akong makipag-meet. Lumalim ang pagkakaibigan namin na nauwi sa isang relasyon. Minahal ko siya at sa tingin ko ay minahal niya rin ako. Nagbunga ang aming pagmamahalan. Ngunit huli na ng malaman kong may pamilya pala siya at hindi niya ako mapapanagutan. Unti-unti kong tinanggap na hindi siya para sa akin. Ngayon ay nagkikita na lang kami sa tuwing bibisitahin niya ang aming anak. Ayokong makasira ng pamilya pero mahal ko pa rin siya. At sa tuwing nakikita ko siya ay hindi ko maalis ang nararamdaman ko para sa kanya. Ano ang gagawin ko? - Bella
Dear Bella,
Ang pagtanggap mo na hindi talaga kayo para sa isa’t isa ay isang magandang indikasyon para simulan mo ang pagbabagong buhay. Kung tapat ka sa iyong hangarin na hindi makasira ng isang pamilya, mapaglalabanan mo ang iyong damdamin para sa kanya. Isipin mo kung ikaw ang nasa kalagayan ng kanyang pamilya ano ang iyong mararamdaman kapag nalaman mong may babae ang iyong asawa? Magsilbing aral sa iyo ito at sa iba pang nakikipag-textmate. Hindi dapat agad nagtitiwala sa taong sa text lang nakilala at hindi mo tuwirang batid ang pagkatao. Ituon mo na lang ang iyong atensiyon sa iyong anak.
Sumasaiyo,
Vanezza