Hindi Ligawin

Dear Vanezza,

Sa edad kong 26 years old ay hindi pa po ako nagkakaroon ng manliligaw o boyfriend. Nagtataka ang mga kaibigan ko kung bakit hindi ako lapitin ng mga lalaki. May itsura naman ako, mabait at hindi suplada. Ang sabi ng iba, maaaring dahil daw sa naiilang sa akin ang mga lalaki dahil parang “manang” daw akong manamit. May mga crush ako pero hindi naman ako gusto. Gusto ko ring maranasang magmahal at mahalin. Ano po ba ang dapat kong gawin? Kailangan ko bang magbago ng anyo at gayahin ang pananamit ng iba? Hindi po ba alangan sa isang teacher na tulad ko na magbigay ng motibo sa isang lalaki na nagugustuhan ko? Need ko ang advice mo. - Nami

Dear Nami,

Hindi mo kailangang magbago ng image para ka lang mapansin ng kalalakihan. Hayaan mong ligawan ka ng lalaki kung ano ka. Maaaring hindi ka lang nila nakikilala nang husto kaya ang iyong pagiging “manang” ang una nilang nakikita. Ang isang lalaki na tunay na nagmamahal ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo. Bagamat isang factor ang pananamit sa “appeal” ng isang tao, puwede mo namang i-improved ito sa iyong sarili ng hindi mo kailangang baguhin ang iyong pagkatao. At bilang isang guro, hindi maganda na ikaw ang magpakita ng motibo sa isang lalaki. Hindi ka pa naman huli sa biyahe kaya ‘wag kang kabahan. Natitiyak kong matatagpuan mo rin ang lalaking karapat-dapat sa’yo.

Show comments