Dear Vanezza,
Ang problema ko po ay ang palagiang pagkabigo sa pag-ibig. Sa tuwing makakatagpo ako ng lalaking mahal ko umaatras sila sa panliligaw o kaya sa aming relasyon sa sandaling malaman nila na ako ay may anak sa pagkadalaga. Dalang-dala na po akong umibig muli dahil sa ganitong sitwasyon. Hindi ko naman kagustuhan na maging dalagang ina. Bunga po ito ng kapusukan ko noong teenager pa lang. Mahigpit ang aking magulang kaya palihim kung magkita kami ng bf ko. Pero nagbunga ang pagtatagpo namin. Nang nalaman niyang buntis ako ay naglaho siyang parang bula. Tinanggap naman ako ng aking mga magulang sa kabila ng lahat. Kaya sa edad na 19 ay may anak na po ako. Hindi ko ikinahiya ang bata at minahal ko siya gayundin ng aking pamilya. Ngayon po ay mayroon akong kat-extmate. Nagkita na kami at nagkagustuhan. Pero hindi ko pa sinasabi sa kanya na may anak ako. Sa tingin ninyo, dapat ko bang sabihin ito sa kanya? Payuhan po ninyo ako. - Eryl
Dear Eryl
Huwag mong pagsisihan ang pagsasabi ng totoo. Kung ano ka, iyon ang ipakilala mo sa mga manliligaw mo. Bago ka dapat ma-in love sa isang manliligaw, hindi lang ikaw ang magpakilala. Kailangan mo ring kilalanin ang lalaking iibigin. Kung talagang mahal ka ng isang lalaki kahit pa may anak ka sa pagkadalaga, hindi niya ito gagawing negative factor laban sa iyo. Huwag kang mangamba dahil natitiyak kong ang kabutihan ng iyong puso ang maglalandas para matagpuan mo ang pag-ibig na matagal mo nang hinahanap.
Sumasaiyo,
Vanezza