Aswang family (50)

“BAKIT n’yo binaril? Wala pa ‘kong utos!” sita ng hepe sa mga tauhang pulis.

“Hepe, aabutan na tayo! Talagang binabaril ang tikbalang!”

“Tama si sarge, hepe! Pumapatay ang mga ‘yon!” segunda ng isa pang alagad ng batas.

Si Grecong tikbalang ay sumadsad sa tabing-daan sa pag-ilag sa mga bala. Gayunma’y hindi siya tinamaan.

Lalo lamang nagalit sa mga tumangay sa pang-ibabang katawan ng misis. “Malayo na sila, kailangang mabawi ko ang kalahati ni Shalina…”

“Ibalik mo ‘tong sasakyan, Jimenez! Kailangang makita natin ang bangkay ng tikbalang! Makilala man lang natin kung sino ‘yon!”

“Oo nga, hepe! Tama ka!”

Nag-U Turn ang police mobile. Naka-high beam ang headlights.

Bruuummm. Mabilis ang takbo.

TAGADAG-TAGADAGG.  Mabilis ding pasugod si Grecong Tikbalang. Handang makipagpatayan mabawi lang ang kaputol ng misis.

Nabigla ang mga pulis—hindi akalaing buhay pa ang tikbalang.

“Aaaaahh!” Nataranta ang nagda-drive, sa halip bungguin ang tikbalang ay nakabig ang manibela.

BRAAMM.  Bumangga sila sa malaking puno sa roadside.

Yupi ang unahan ng sasakyan, duguan ang hepe at mga tauhan; nawalang lahat ng ulirat.

Ang kaputol ng manananggal ay madaling nabawi  ni Grecong tikbalang. “Kailangang magkita kami ni Shalina! Bago sumikat ang araw!”

SI SHALINANG manananggal ay kapit pa rin ang hinang-hina nang bading na kapre, lumilipad nang mababa sa kahuyan.

“Shalina, anak kwo…hindi na akwo tatagal…”

“Kailangan mong tumagal, Itay! Malapit na tayo sa bahay!”

“At paano kwa, anak? Baka mapatay kwa sa ospital?”

Buong akala ng mag-ama ay nasa ospital pa ang kalahating katawan ng manananggal. “Bahala na ho, Itay…”

Ibinilin ni Shalina sa binatilyong katulong si Mang Sotero. “Telco, pagdating ng nanay ko, gamutin ‘ka mo agad si Itay.”

“O-opo, Ate,” naiilang na sabi nito; hindi sanay sa kasambahay na manananggal  at kapre. (ITUTULOY)

 

Show comments