Aswang family (45)

NAGING manananggal si Shalina habang nasa ospital.  Ang kalahating katawan niyang mula baywang hanggang paa ay naiwan sa kama.

Nangilabot  ang mga nakasaksi, kahit pa nga nakalabas na ng bintana ang manananggal.

“Magsihinahon po kayo! Huwag mag-panic!” sigaw ng mga security guards, nakalabas ang mga baril—handang iputok sa kampon ng kadiliman.

Wala na sa palibot ng ospital si Shalinang manananggal, nakalayo na, natiyak ng mga guwardiya.

Sa ICU, nakahiga pa rin sa kama ang kaputol na katawan ni Shalina. Kumikislot pa ang mga laman-loob pati bituka.

Diring-diri ang mga tao. “Nakakasuka! Amoy na amoy ang lansa!”

Pati mga doktor at narses ay di malaman ang gagawin.

“May namatay na sa takot, dok, ‘yung matandang pasyente sa dulo,” napapailing na sabi ng nurse.

Ang iba pang pasyente ay sumama ang lagay; nataranta nang husto ang medical personnel.

“Dapat alisin na ang putol na katawang ‘yan,” sabi ng hospital director. “Hindi dapat balikan pa ‘yan dito ng manananggal.”

Dumating ang mga imbestigador. Kinunan agad ng larawan ang pang-ibabang bahagi ng manananggal.

“Mas tama hong ikulong namin sa presinto itong kaputol,” sabi ng hepe.  “Bukod sa ito’y hindi pangkaraniwan, mapapatunayan pa natin kung babalikan ito ng manananggal.”

“Subukan lang ng manananggal na sa presinto pumorma, bala ng baril ang sasalubong sa kanya,” mayabang na sabi ng tauhan ng hepe.

NASA himpapawid si Shalina, nakatunghay sa mga kalye sa ibaba—tila may hinahanap.

Meron ngang hinahanap si Shalina. “Nasaan na kaya si Greco? Naging tikbalang ba siya?

“At sina Itay at Inay, ano na ang nangyari…?”

Sina Mang Sotero at Aling Mameng ay nakalabas ng ospital bago pa man sumu­ngaw ang buwan; naramdaman na kasi ang magaganap sa kanila.

Sa katarantahan ay hindi na nila napuntahan sa ICU si Shalina.

Sa tabing ilog sila inabot ng pagbabagong-anyo. 

(ITUTULOY)

 

 

Show comments