Dear Vanezza,
Isa po akong OFW. May asawa ako at may anak. Sa kabila ng pagtutol ng mister ko na mangibang bansa ako dahil kaya naman daw niyang buhayin kami ng anak niya ay sumige pa rin ako. Nang malayo na sila sa akin ay saka ako nagsisi sa aking ginawa. Dahil talagang nangulila ako ng lubos. Gustuhin ko mang bumalik na ng Pilipinas ay hindi ko nagawa dahil hindi ako pinayagan ng aking amo. Kailangang tuparin daw ang nasa kontrata. Sa aking pangungulila ay nakilala ko ang isang Pinoy na tulad ko ay pamilÂyado rin at nangungulila sa kanyang mga mahal sa buhay. Nagkaroon kami ng relasyon at nagbunga ito. Pauwi na ako ng Pilipinas nang matuklasan kong buntis ako. Narito ako ngayon sa ating bansa nang hindi nalalaman ng aking pamilya. Tanging nanay ko lamang ang nakakaalam sa tunay na kalagayan ko. Natatakot ako sa maaaring mangyari. Hinding-hindi ako mapapatawad ng asawa ko sa aking pagtataksil sa kanya. Nagsisisi na ako sa nagawa kong kasalanan. Ano ang gagawin ko? - Pisces Girl
Dear Pisces Girl,
Talagang malaking pagkakasala ang iyong nagawa sa iyong asawa. Pero hindi ito malulutas kung magtatago ka na lang. Aminin mo ang iyong kasalanan at maging matatag sa epekto nito sa iyong pamilya. Sa tulong ng iyong ina at maging ng iyong kaibigan, kausapin mo ang iyong asawa at ipagtapat sa kanya ang nagawa mong kamalian. Hindi ito magiging madali, pero ito lang ang paraan para magkaroon ka ng katahimikan sa iyong puso at isip. Tanggapin mo ang anumang sasabihin ng iyong asawa dahil nagkasala ka. Kung talagang mahal ka niya, matatanggap niya ang ginawa mo at patatawarin alang-alang na rin sa inyong anak. Panindigan mo ang resulta ng iyong ginawa.