Binalewala ng boyfriend

Dear Vanezza,

Tawagin n’yo na lang po akong Ava, 23. Nagkaroon po ako ng bf. Nabuntis po ako kaya nagdesisyon ang mga magulang namin na pakasal kami. Pero nagkalabuan kami dahil panay ang gimik niya kasama ang ex-gf pa niya. Akala ko magbabago siya pagkapanganak ko, pero binalewala niya kami ng aking anak. Kaya nakipaghiwalay na ako. Simula noon kung sinu-sinong babae ang nakakarelasyon niya. Kung minsan sadyang ipinamumukha niya sa akin ito, na sobrang ikinasasama ng loob ko. ‘Di nagtagal nag-text siya at humihingi ng tawad. Nagdalawang-isip akong mag-reply dahil gusto ko sana mag-usap kami ng personal. Pero nabalitaan kong may ka-live-in siya na may anak na. Ang bilis niyang magpalit ng babae. Masakit po para sa akin na suportado niya ang batang ito habang ang aming anak ay ulila sa kanyang atensiyon. Gusto ko siyang tawagan dahil marami akong gustong itanong sa kanya pero natatakot ako at baka hindi n’ya ako kausapin. Three years old na po ang anak namin at naaawa ako sa kanya. Ako po ba ang nagsimula ng gulong ito? Sana mapaliwanagan ninyo ako dahil umaasa pa rin ako na mabubuo pa ang pamilya namin.

Dear Ava,

Hindi na importante kung kanino nagsimula ang conflict sa buhay mo. Ang anu mang sitwasyong kinalalagyan natin ay bunga ng desisyon. Kung nagtagumpay tayo ito’y dahil sa tama at matalinong desisyon. Kung tayo’y nasa kabiguan, ito’y dahil sa maling desisyon. Pero nangyari na iyon  at ang magagawa mo ay harapin na lang ang iyong kapalaran. Palakihin mong mag-isa ang iyong anak at huwag mo nang hangarin pang makipagbalikan sa bf mo. Ipagpasalamat mo na hindi kayo nakasal dahil tiyak problemang malaki mo ang kanyang di maawat na pambababae.

 

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments