Ayaw pakasalan ng ka-live-in
Dear Vanezza,
Mayroon akong anak pero hindi kami kasal ng nanay niya dahil ayaw niyang mag-commit sa akin. Wala naman daw 3rd party. Hindi ko pa siya niyayaya ay ito na ang sinabi niya sa akin. Pero sa totoo lang, siya ang gusto kong maging asawa at pakasalan. Iniisip ko rin ang anak namin. Wala ring problema sa both families namin. Ok naman ang samahan namin at kasal na lang talaga ang kulang. Pwede naman niyang sabihin na huwag muna ngayon, pero talagang wala raw akong aasahan na kasal. Ngayon po ay may nakilala akong babae. Alam na niya ang kuwento ng buhay ko. Minahal ko siya dahil sa mga taglay niyang katangian. May nangyari na po sa amin. Mahal daw po niya ako kaya naibigay niya ang kanyang sarili. Iniiisip ko kung ayaw pakasal sa akin ng kinakasama ko ay itong kakilala ko na lang ang aayain ko ng kasal. Pero priority ko po ‘yung kinakasama ko kasi nga may anak na kami. Ano po ba ang gagawin ko? - Carlo
Dear Carlo,
Walang babae ang hindi nangarap na ikasal sa kanilang mahal. Pero sa kaso ng kinakasama mo ay siya ang umaayaw. Ang problema’y mayroon na kayong anak at siya ang magsa-suffer kung patuloy na magmamatigas ang kinakasama mo sa alok mong kasal. Maaring ayaw niyang pakasal dahil baka dumating ang araw na hindi pala kayo magkasundo ay hindi na siya makakawala. Kausapin mo siyang mabuti at alamin ang dahilan niya. Himukin mo siya alang-alang sa inyong anak. Kung mabigo ka pa, ikaw na ang bahalang gumawa ng hakbang na naaayon sa iyong kagustuhan na magkaroon ng maayos na pamilya.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest