Dear Vanezza,
Ako po ay may asawa at isang anak. GraduaÂting student po ako ng mabuntis at nakapag-asawa ng maaga. Dahil walang trabaho ang asawa ko kami ay suportado ng kanyang mga magulang at kasalukuyang nakatira sa kanila. Ang problema ko po ay ang bisyo ng aking asawa. Bukod sa pag-inom ay gumagamit siya ng droga. Noong hindi pa kami kasal ay may ideya na ako na ganyan ang ginagawa niya pero tinanggap ko pa rin siya dahil ako’y umaasa na magbabago siya. Ngayon ay 2 taon na kaming kasal at may kutob pa rin ako na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot dahil sa mga unusual na kilos niya. Minsan, naiisip kong iwan siya at isama ang aming anak dahil ayokong masira ang kinabukasan namin. Gusto ko rin siyang tulungan pero sa tingin ko, ito lang ang paraan para tuluyan siyang magbago. Mahal na mahal ko pa rin siya sa kabila ng mga kalokohan niya. Pagpayuhan n’yo po ako. - April
Dear April,
Mabigat ang problema mo. Sa 2 taon ninyong pagsasama ay wala siyang trabaho at umaasa kayo sa mga magulang niya. Hindi panghabambuhay ‘yan. Paano kung wala na ang mga magulang niya. Kumpirmahin mo kung gumagamit siya ng droga at kung totoong addicted siya, kailangan niyang marehab. Ang problema, paano kung hindi siya pumayag. Mag-usap kayo ng sarilinan at alamin mo ang problema niya para magkasama ninyong hanapan ng solusyon. Ipaliwanag mo na kinabukasan ng inyong anak ang nakataya para matauhan siya. Higit sa lahat manalig ka sa Diyos na sana ay hipuin Niya ang isip at puso ng iyong asawa para magbago na ito. Huwag kang mawawalan ng pag-asa.
Sumasaiyo,
Vanezza