Iniwan ng gf dahil ‘di matanggap ng magulang

Dear Vanezza

Ako po ay dating bilanggo na nagnanais na maihinga ang aking sama ng loob. Dulot po ito ng pagtalikod sa akin ng aking first love. Nakilala ko siya at niligawan at naging nobya kahit nakakulong ako. Nireto lang siya sa akin ng isang kakosa. Sa simula pa lang ay sinabi na niya sa akin na tutol ang kanyang mga magulang sa aming relasyon. Noong una ay hindi niya ito pansin pero habang nagtatagal ay dumadalang hanggang sa tuluyan nang naputol ang aming pagsusulatan. Marahil ay nadala siya sa payo ng kanyang mga magulang na ako’y talikuran. Masamang-masama po ang aking loob, sana hindi na ako umasa. Hanggang sa aking paglaya ay hindi ko pa rin siya malimutan. Balita ko ay may pamilya na siya. Wala na po kaya akong pag-asang lumigaya pa? - Enteng

Dear Enteng,

Huwag kang maghihinakit sa buhay. Isa ‘yang pagsubok na magpapatatag sa iyo. Ipagpasalamat mo na nagkahiwalay kayo habang nasa loob ka pa. Mas masakit kung pinangakuan ka niya at paglabas mo’y iiwanan ka pala. Kalimutan mo na siya dahil ikaw ay nilimot na niya. Ngayong laya ka na, pagsikapan mong umunlad para sa iyong kinabukasan at magiging pamilya. Huwag kang makakalimot sa Diyos at sa Kanya mo ilapit ang iyong sarili. Makakahanap ka rin ng ibang babae na tatanggapin ka bilang ikaw.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments