‘Butas na lupa’ (5)

ANG alam nina Jake at Monica, kailangan nilang manatili ng ilang araw sa Barangay Antukin, para masiyasat nang husto ang hiwaga  ng butas na lupa o sinkhole.

Kumuha sila ng matutuluyan. Isang maliit na paupahan.

Tanaw nila mula roon ang sinkhole.

“Alam n’yo ‘yung sina Pining at Porong, mga bagong kasal ‘yon—bagong lipat-bahay dito sa tabing-dagat.” Nagkukuwento sa kanila ang may-ari ng paupahan; biyudang nag-iisa na sa buhay.

“Naibida nga po sa’min ni Kapitang Domeng, Aling Juana.”

“Juanang kawale ang bansag sa akin. Maitim kasi ako sa karaniwan.”

Madaldal si Aling Juana. Halos hatinggabi na nang iwan sina Jake at Monica.  “Hayy, Jake, ako ang napagod sa kadadaldal niya.”

“Matulog na muna tayo, Mon.”

Naghikab ang dalaga, nagpaalala sa boyfriend. “Jake…huwag kang malikot sa aparato, ha?”

Napangisi si Jake, napakamot ng batok. “Oo, kaso’y iisa ang kumot. At malamig ang gabi.”

“Hindi tayo maghuhubad ng damit, Jake. At may pagitang unan sa atin.  Huwag tayong matutukso, okay?”

Oong galing sa ilong ang tugon ng binata. Hanggang kailan ba sila makapagtitimpi ng kasintahan? Hanggang kailan hindi matutukso ng mga sandaling gaya niyon?

Nag-freshen up sila matapos kumain ng hapunan.

Naghugas ng katawan, nagsepilyo, etsetera.

Habang nagpapaantok ay nag-uusap, tungkol parin sa sinkhole.

“Kung patay na sa loob ng sinkhole ‘yung mag-asawa, dapat e nangangamoy na.”

“Wala nga raw anumang amoy doon, sabi ng mga tao, Jake.”

Ilang sandali pa, nakatulog na sila. Parehong bahagyang naghihilik.

Zzzzz…ngo-o-orrk…

Nakadisenteng pantulog si Monica; si Jake ay naka-t-shirt at pants.

Magkasukob sila sa kumot pero nahaharangan nga ng unan.

Laking gulat nila kinaumagahan nang magising. “Oh my God, Jake! Bakit pareho tayong hubad?” “H-hindi ko alam, Mon! I swear!” (ITUTULOY)
 

 

 

                 

 

Show comments